Bayanihan 3 ‘di prayoridad sa Senado

Bayanihan 3 ‘di prayoridad sa Senado

May 30, 2021 @ 9:44 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Hindi ipaprayoridad ng Senado ang panukalang Bayanihan 3 Act sa nalalabing apat na araw sa ikalawang regular session.

“Kung ano man ‘yung mga lumalabas doon o ginagawa sa House of Representatives, kung walang counterpart sa amin, pagkatapos na nila, kung gaano kahaba man nila pinasa iyon at saka pa lang dadating sa amin. So pagdating sa amin niyan, eh last 4 days kami bago mag June 4 eh, so sinasabi ko na nga na hindi na namin matatalakay yan,” paliwanag ni Senate President Vicente Sotto III sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa ng senador na hindi rin natalakay ang Bayanihan 3 sa huling pagdinig ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“As a matter of fact, pag tiningnan mo yung pinag-usapan namin sa LEDAC ha, unless ha my memory is failing me, wala akong natatandaang pinagusapang Bayanihan 3. Yung aming mini LEDAC nila Executive Secretary [Salvador] Medialdea. Nung–kailan ba iyon, Monday ba iyon. Monday or Tuesday,” ani Sotto.

Nitong nakaraang linggo, pinasa na sa ikalawang pagbasa ang nasabing batas sa Kamara.

Hindi rin ipaprayoridad ng Senado ang pag-amyenda sa “restrictive” economic provisions ng 1987 Constitution na naipasa rin sa Kamara nitong nakaraang linggo.

“Hearing pa lang baka hindi na makatawag ng hearing yung aming constitutional amendment na committee,” aniya.

Ayon kay Sotto maraming importanteng batas na Senado tulad ng pag-amyenda sa Public Service Act, Foreign Investments Act, at pagbuo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMOF).

Dagdag nito na maaari ring maantala ang pagpasa sa ibang batas tulad ng batas sa hybrid elections, pagtaas ng campaign expenditures limit, at pagkansela sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao elections dahil hindi ito kasama sa “urgent.”

Nakatakdang magtapos ang ikalawang regular session ng Kongreso sa Hunyo 4. RNT/ELM