Bayanihan, Bakunahan 2 pinauusog sa Dis. 20-22 bunsod ng bagyo

Bayanihan, Bakunahan 2 pinauusog sa Dis. 20-22 bunsod ng bagyo

December 14, 2021 @ 9:45 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Inirekomenda ng National Task Force Against COVID-19 ang bagong iskedyul o araw para sa second round ng nationwide vaccination sa mga lugar na madadaanan ng nagbabadyang bagyo.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng gabi, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, ang napiling bagong petsa ay Disyembre 20 hanggang 22 mula sa orihinal na iskedyul na Disyembre 15 hanggang 17.

“Kami ay nag-recommend na ang ating National Vaccination Part 2 ay i-postpone muna dun sa mga dadaanan ng bagyo. From December 15 to 17, we will hold this instead on December 20 to 22,” ayon kay Duque.

Sinabi pa ng Kalihim na umaasa sila na ang nasabing rekumendasyon ay aaprubahan ng Pangulo habang patuloy na naka-monitor sa kondisyon ng panahon.

Samantala, ang first phase ng vaccination campaign, ay isinagawa noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3 kung saan ay may kabuuang 9,937,827 indibiduwal ang nabakunahan sa buong bansa.

“The massive drive targets to increase vaccine coverage and mobilize stakeholders from every sector to support the government’s goal of giving Filipinos a safe and healthy Christmas,” ayon sa DoH. Kris Jose