Bayanihan sa bagyong Paeng, ramdam na ramdam – OPS

Bayanihan sa bagyong Paeng, ramdam na ramdam – OPS

November 4, 2022 @ 4:58 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ramdam na ramdam ang diwa ng bayanihan sa gitna ng maraming mga nangangailangan ng tulong matapos ang matinding pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa.

Sa FB page ng Office of the Press Secretary, sinabi nito na nananatili at nagpapatuloy ang bayanihan sa mga Filipino dahil nakahanda ang mga ito na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.

Kaisa din aniya dito ang iba’t-ibang sangay din ng gobyerno ayon sa OPS gaya na lamang ng House of Representatives na nagbigay ng agarang tulong sa mga tinamaan ng bagyo.

Inihayag ng OPS na batay sa datos ng Office of the House Speaker, nasa P49.2 milyon na cash donations at pledges ang nalikom habang aabot naman sa P26 milyon ang halaga ng food items, kumot at toiletries ang nakatakdang ibigay ng Kongreso.

Nauna rito, nanawagan si OPS – OIC Undersecretary Cheloy Garafil sa publiko na pwede namang makatulong sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng pag-asiste sa ginagawang pagre-repack ng mga ipadadalang food items.

Bukas aniya ang tanggapan ng DSWD sa mga volunteer na nais tumulong sa repacking ng family food packs habang maaari ding magpadala ng tulong “in cash” at maaaring ipadala sa DSWD donation fund sa pamamagitan ng kanilang Landbank account number na 3122-1011-84. Kris Jose