BBL, lusot na sa Bicam committee

BBL, lusot na sa Bicam committee

July 19, 2018 @ 4:27 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Matapos ang anim na araw, pinal nang inaprubahan ng bicameral conference committee members ang Bangsamoro Basic Law sa pangunguna ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ayon kay Senador, Joel Villanueva.

Sa pahayag kahapon, sinabi ni Villanueva na inaasahang makapagbibigay ng kapayapaan at maitataguyod ang kaunlaran sa Bangsamoro region sa pagkaka-apruba ng BBL.

“Pinapupurihan natin ang ating kasamahang mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso, kabilang ang kani-kanilang staff, miyembro ng Bangsamoro Transition Committee, at lahat ng kinauukulan, sa paghihirap upang maisakatuparan ang pagkaka-apruba ng panukala,” ayon kay Villanueva.

Lusot na sa Bicam Committee ang Bangsamoro Basic Law | REMATE FILE PHOTO | CESAR MORALES

Lusot na sa Bicam Committee ang Bangsamoro Basic Law | REMATE FILE PHOTO | CESAR MORALES

Pinasalamatan din ni Villanueva ang bicam panel na pumayag sa ilang probisyon na kanyang isinulong tulad ng full inclusion ng indigenous people’s rights uapng matiyak na mananatili at irerespeto ang kanilang ethic identity at karapatan at probisyon sa full guarabntee at exposition ng religious beliefs and creed sa Bangsamoro territory para sa lahat.

Nitong Martes sa kabila ng kasagsagan ng pagbuhos ng ulan,  nagkasundo ang bicam panel sa pamumuno ni Zubiri na aprubahan ang matagal nang hinihintay na BBL na maghahawan ng landas patungo sa kapayapaan sa Mindanao.

Layunin ng panukala na magkaroon ng sariling pamamahala ang mga kapatid na Muslim sa kanilang teritoryo ngunit hindi humihiwalay sa pambansang pamahalaan, at magkakaroon sila ng sarili nilang parliament na magtatakda ng kanilang batas alinsunod sa Saligang Batas.

May kapangyarihan din silang maghalal ng kanilang mga lider at magdetermina ng kanilang pamahalaan alinsunod sa umiiral na batas.

“Umaasa tayo na magsisimula na ang kapayapaan at progresibong kinabukasan ng ating kapatid na Bangsamoro, mamamayan sa Mindanao at sa Pilipinas sa kabuuan. Taimtim na inaasahan natin na sa pagsasabatas ng panukala, maghahawan ng panibagong yugto sa kolektibong kaunlaran at pagkakaisa ng ating mga kapatid sa Mindanao at buong sambayanang Filipino,” aniya.

Samantala, inihayag naman ni Senador Sonny Angara na naaayon sa Saligang Bagtas ang nilalaman ng BBL, taliwas sa pananaw ng ilang sector.

“Ito ang natatanging hakbang para sa wakas ay magkaroon na ng katuparan ang layunin nating maresolba ang mga ‘di pagkakaunawaan nang sa gayon ay umusad ang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro region, ani Angara.

“Umaasa tayo na sa sandaling mapagtibay ang panukalang ito ay masasaksihan na natin at mararamdaman na ng mga kababayan natin sa Mindanao ang tunay na kapayapaan at pag-unlad sa kanilang rehiyon na ilang dekada nang binabalot ng sigalot,” dagdag niya. (Ernie Reyes)