Manila, Philippines – Posibleng lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law sa mismong araw ng kanyang State of the nation address (SONA) sa Lunes, July 23, ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Alvarez kung malalagdaan ito sa mismong araw ng SONA ay magiging makasaysayan ito dahil ito ang unang pagkakataon na isang panukala ang naging ganap na batas sa mismong SONA ng Pangulo ng bansa.
Sinabi ni Alvarez na sa umaga ng July 23 at raratipikahan ng Senado at Kamara ang panukalang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OLBARMM) at pagsapit ng hapon bago ang SONA ay kanila na itong isusumite sa MAlacanang kaya naman may sapat na panahon para malagdaan ito ni Pangulong Duterte.
Ani Alvarez ang kopya ng OLBARMM na inaprubahan ng bicameral conference committee noong July 18 ay naisumite na rin kay Pangulong Duterte kaya naman kanya na itong narebyu at nabasa, ang ilan pang pagbabago ay maaaring gawin ng Senado at Kamara sa araw ng Lunes bago ito isumite sa Malacanang para sa lagda na ng Pangulo.
Kasama sa OLBARMM ay pagkakaroon ng fiscal autonomy, land reform, administration of justice system, pangangasiwa sa mga free ports at economic zones, at ang paglikha ng government-owned and controlled corporations.
Napagkasunduan din ang 75/25 na wealth sharing kung saan 75 porsyento ang mapupunta sa Bangsamoro Region samantala ang 25% ay sa national government.
Sinang-ayunan din ang pagboto sa plebisito ng mga registered voters ng mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato.
Magkakaroon din ng 5 % automatic block grant na ibibigay sa Bangsamoro Region mula sa National Internal Revenue kada taon at probisyon na may kaugnayan sa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament. (Gail Mendoza)