BBL, pasado na sa Kamara

BBL, pasado na sa Kamara

May 31, 2018 @ 4:59 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sa botong 226, 11 na tutol at 2 abstention ay inaprubahan ang House Bill 6745 o ang BBL na bubuwag sa Autonomous of Region of Muslim Mindanao (ARMM) upang palitan ng Autonomous Region of Bangsamoro (ARB).

Nauna rito ay nagsagawa ng all members caucus ang mga kongresista kung saan ipinasok ang lahat ng amendments at pagdating sa plenaryo ay iprinisenta ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang isang substitute bill bilang kapalit ng HB 6475 na siyang pinagbotohan.

Kabilang sa mga tumutol ay si Magdalo Rep. Gary Alejano, Zamboanga City Rep. Manuel Dalipe, Albay Rep. Edcel Lagman, Cagayan de Oro City Maximo Rodriguez at ang buong Makabayan Bloc.

Nag-abstain naman sina Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo at Zamboanga Rep. Celso Lobregat.

Samantala, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi mapipigil ng liderato ng Kamara ang sinumang nais umakyat sa Korte Suprema upang kwestyunin ang constitutionality ng BBL.

Si Fariñas ay nagsabi na kumbinsido siyang hindi unconstitutional ang BBL “hindi unconstitutional and BBL kasi ina-abolish nga ng BBL ang ARMM at hindi na kailangang i–amend ang constitution. The other options is to wait for the CONASS but dito na kami sa BBL.”

Habang naka-recess aniya ang Kongreso ay saka paplantsahin ang mga probisyong napagkasunduan sa isasagawang bicameral conference committee at saka ito raratipikahan sa muling pagbubukas ng Kongreso sa July 23 at saka lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of the nation address (SONA). (Meliza Maluntag)