BBM-BUILD, BETTER, MORE

BBM-BUILD, BETTER, MORE

September 8, 2022 @ 2:21 PM 3 weeks ago


BUILD, Better, More” (BBM). Ito ang aarangkadang programa ng Administrasyon ni Pangulong Bong Bong Marcos na nakikita kong magdadala ng kaluwagan sa buhay ng nakararami.

Tututok ito sa pagpapalakas, pagpapalawig at pagpapabilis ng paggalaw sa araw-araw nating pamumuhay.

Nais ni PBBM na makaluwag-luwag ang karamihan sa kanilang paghahanapbuhay. Ang paparoon at paparito sa ating mga trabaho ay isa na ring malaking problema ng marami sa atin sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Nauubos ang oras natin sa pagbibiyahe pa lamang para lamang kumita at may maipakain sa ating pamilya.

Ang bulto ng BBM ay gugugulin sa paglalatag ng mga riles ng tren na sa paniwala ng ating Pangulo ay makakagaan para sa lahat ng naghahanapbuhay.

P113.99 bilyon lang naman ang inilaan ng kanyang administrasyon para ‘i-modernize’ ang ‘railway system’ ng bansa para tugunan ang sitwasyon sa transportasyon at traffic.

Pinalaki ang budget rito ng limang ulit kumpara sa P23.12 bilyong budget ng 2022 upang maipagawa ng mabilis ang paglalatag ng mga riles gaya ng karagdagang 1,200 kilometro para maisakay ang 4.5 milyon pasahero sa isang araw.

Kasama sa mapopondohan ay ang North-South Commuter Railway System; 33-kilometrong Metro Manila Subway Project; 147-kilometrong North-South Commuter Railway System; 12-kilometro ng LRT-1 Cavite Extension; 23-kilometrong MRT-7 at Common Station na mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7.

Kabilang rin ang tinatawag na ‘larger scale railway systems’ gaya ng 102-kilometrong Mindanao Railway Project; Panay Railway Project; at Cebu Railway System.

Hindi lang nito mabawasan ang hirap na dinaranas ng mga mananakay ng Metro Manila, kundi, maaari pa nitong mabawasan o mapaluwag ang buong NCR, sa maayos na pagbibiyahe ng mga residente nito. Dahil maaari nang manirahan sa kanilang mga probinsiya ang mga may trabaho sa Metro Manila kung maiuugnay ang mga biyahe ng tren sa mga kalapit probinsiya.

Tugon na rin ito sa naipangako ni PBBM noong siya ay nangangampanya pa lamang, na tayo ay magkaroon ng ‘world-class national railway system.’

Mula sa binitawang pangako ni PBBM na ipagpapatuloy niya ang nasimulang “Build, Build, Build” program ng Administrasyong Duterte, ay gagawin niya naman ang ‘Build Better More ‘ na program para tuluyan nang maibsan ang paghihirap ng karamihan sa atin, sa pagbibiyahe pa lamang para kumita.


Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!