BBM-Inday tandem una pa rin sa sarbey

BBM-Inday tandem una pa rin sa sarbey

May 3, 2022 @ 7:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ilang tulog na lang bago ang Mayo 9, nananatiling si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte ang nangunguna sa mga kandidato sa pagkapangulo at bise presidente, ayon sa pagkakasunod-sunod, sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na inilabas noong Lunes, Mayo 2.

Batay sa isinagawang survey mula Abril 16 hanggang 21, 2022, nakakuha si Marcos ng 56 porsiyento ng 2,400 respondents, na kaparehong rating na nakuha niya mula sa survey noong Marso.

Kasunod si Vice President Leni Robredo na may 23 percent, na bumaba naman ng isang porsyento mula sa nakaraang survey.

Sa kabilang banda, nag-overtake naman at nasungkit ni Senador Manny Pacquiao ang ikatlong puwesto mula kay Manila Mayor Isko Moreno. Sila ay nakakuha ng 7 porsyento at 4 na porsyento, base sa pagkakasunod, sa pinakahuling survey.

Samantala, si Senador Panfilo Lacson ay suportado ng 2 porsiyento ng mga respondent at nanatili sa ikalimang puwesto.

Ipinakita rin sa mga resulta na si Mayor Sara Duterte ay patuloy na nakakuha ng malaking lamang sa sarbey na may 55 porsiyento bilang pinakapinipiling vice presidential bet.

Nasa pangalawang puwesto si Senate President Vicente Sotto III na may 18 percent, kasunod ang tandem ni Robredo na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan, 16 percent; Dr. Willie Ong, 3 porsiyento; Manny Lopez, 1 porsiyento; Buhay Party-list Rep. Jose “Lito” Atienza Jr., 0.5 percent; dating Akbayan Party-list representative Walden Bello, 0.4 percent; Carlos Serapio, 0.3 porsyento; at Rizalito David, 0.1 porsyento.

Parehong nakakuha ng malawak na lamang sina Marcos at Duterte sa iba pang mga kandidato sa lahat ng geographical na lugar, sosio-economic class, at mga age group.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga respondent na may edad 18 pataas, na mga rehistradong botante. Ang survey ay may ± 2% error margin sa 95% confidence level. RNT