BBM sa supporters: ‘Di namin kayo bibiguin

BBM sa supporters: ‘Di namin kayo bibiguin

May 16, 2022 @ 7:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nangako si Presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Pilipino, lalo na sa 31 milyon na bumoto sa kanya noong Mayo 9, na hindi niya sila bibiguin sa ilalim ng kanyang papasok na administrasyon.

“Hindi namin kayo bibiguin,” ani Marcos Jr. sa kanyang pinakabagong YouTube vlog entry, kung saan pinasalamatan niya ang kanyang mga tagasuporta, kanyang pamilya, at mga nasa likod ng kanyang kampanya para sa kanyang matagumpay na bid sa pagkapangulo nitong Sabado.

“Sa 31 milyong Pilipino pong nagtiwala at itinaya ang kanilang suporta sa UniTeam ay hindi po masukat ang pasasalamat namin ni Inday Sara. Hindi sapat ang mga salita upang ipaabot sa inyo kung gaano kami nagpapasalamat,” dagdag pa ni BBM.

Nagpasalamat din si Marcos Jr. sa mga lokal na pulitiko na nag-endorso sa kanya at sa kanyang running-mate, presumptive vice-president na si Sara Duterte.

“Maraming salamat sa inyong pagtanggap sa amin sa inyong mga probinsya, at lokalidad, at sinigurong maayos ang pagpapatakbo ng ating mga rally at iba pang mga campaign activities. Bukod pa roon ay inyong pagkampanya, at iyan ang nagdala ng napakalaking boto na aming natanggap, ” sinabi niya.

Ilang vote-rich provinces na dating bumoto sa karibal ni Marcos Jr., na si Bise Presidente Leni Robredo, ang bumaligtad at bumoto pabor sa kanya nitong nakaraang Halalan 2022. Kabilang dito ang Cebu, Batangas, at kuta ng Liberal Party na Tarlac.

Pinasalamatan din ni Marcos Jr. ang mga artista, aktor, at musikero na nagtanghal sa kanilang mga campaign rally, kabilang sina Ai-Ai delas Alas, Bayani Agbayani, rapper Andrew E, at rock band na Hale.

Kinilala rin ng dating senador ang sarili niyang pamilya sa kanilang tungkulin sa kanyang kampanya, partikular ang mga anak niyang sina Sandro, Simon, at Vincent, asawa nitong si Liza, at ina nitong si dating first lady Imelda Marcos.

“Siya ang laging nagbibigay ng payo at lagi naming pinapakinggan ang kanyang payo,” he said of the Marcos matriarch.

Si Marcos Jr. ay nakatakdang humalili kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, matapos makakuha ng mayorya ng mahigit 31 milyong boto sa botohan noong Mayo 9. RNT