BBM- Sara tandem nangunguna pa rin sa Pulse Asia survey

BBM- Sara tandem nangunguna pa rin sa Pulse Asia survey

May 2, 2022 @ 2:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isang linggo bago sumapit ang Halalan 2022, nananatili si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nangunguna sa mga presidential candidate, ayon sa pinakabagong Pulse Asia preferential survey.

Batay sa resulta mula Abril 16 hanggang 21, 2022, sa survey na ipinalabas nitong Lunes, hindi nagbago abg rating ni Marcos na nasa 56 porsyento, mula sa isinagawang survey noong Marso 17 hanggang 21, 2022.

Nananatili naman sa ikalawang pwesto si Vice President Leni Robredo, na nakakuha ng rating na 23 porsyento.

Samantala, naungusan naman ni Senator Manny Pacquiao si Manila Mayor Isko Moreno sa ikatlong pwesto. Nadagdagan ng 1 porsyento ang senador habang bumagsak naman ng 4 porsyento ang alkalde.

Hindi nagbago ang rating ni Senator Panfilo Lacson’ na 2 porsyento.

Sinundan si Lacson nina Ernie Abella (1 porsyento), Faisal Mangondato (1 porsyento), Leody de Guzman, (0.3 porsyento), Norberto Gonzales (0.1 porsyento), at Jose Montemayor Jr. (0.1 porsyento).

Sa parehong survey, nanguna naman si Davao City Mayor Sara Duterte– running mate ni Marcos– sa mga kandidato sa pagka-bise presidente. Nakakuha siya ng rating na 55 porsyento, na sinundan ni Senate President Vicente Sotto III na may 18 porsyentong rating. RNT/SA