BBM walang ginastos na personal na pera sa kampanya – abogado

BBM walang ginastos na personal na pera sa kampanya – abogado

June 8, 2022 @ 9:58 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi gumastos ng kahit na isang sentimo na personal na pera si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa buong panahon ng kampanya nito.

Nagsumite na kasi ang kampo ni Marcos Jr. ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec), araw ng Martes, Hunyo 7, isang araw bago ang deadline ng submission.

Ayon kay Atty. Drixel Dabatos, miyembro ng legal team ni Marcos Jr., na dahil sa mayroon pa naman silang sobrang pondo mula sa campaign donations, hindi na kailangan na gumamit pa si Marcos Jr. ng kahit na anumang personal resources nito.

Nakasaad sa SOCE ni Marcos Jr. na tumanggap ito ng kabuuang kontribusyon na P624,684,320.09 habang ang deklaradong ginastos ay pumalo na sa P623,230,176.68.

Tiniyak ni Dabatos na magbabayad si Marcos Jr., ng income tax para sa P1.45 million na natira mula sa campaign donations. Pagsunod aniya ito sa “rule of spending’ na P10 kada botante, sinabi ni Dabatos na ang “expenditures are within the threshold since there are 67 million registered voters.”

Samantala, sinabi pa rin niya na ang malaking halaga ng ginastos ay napunta sa TV advertisements, political rallies, at poll watchers. Kris Jose