Beauty queen, niregaluhan ng Presidente ng P45M apartment, sinisilip na

Beauty queen, niregaluhan ng Presidente ng P45M apartment, sinisilip na

June 4, 2022 @ 3:15 PM 3 weeks ago


PARIS – Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ng pamahalaang France ang pagkakaroon ng isang beauty queen ng milyon-milyong pisong halaga ng apartment makaraan itong makoronahan bilang Miss France.

Kinilala ng French National Prosecutor for Financial Crimes ang beauty queen na si Sonia Rolland, tubong bansang Rwanda na naging Miss France noong taong 2000 sa edad na 22.

Si namayapang Gabon President Omar Bongo umano ang nagbigay kay Rolland ng halagang P45 milyong apartment tatlong taon makaraang maging beauty queen ito.

Ang pamilya Bongo ang humahawak sa pamahalaan ng Gabon sa nakalipas na 42 taon makaraang maging malayang bansa ito mula sa France noong 1967 at sinasabinga sangkot umano ang mga ito sa malawakan at malakihang korapsyon.

Nauna nang may mga mamahaling ari-arian ang mga Bongo sa France na pinagkukumpiska na ng pamahalaang France bilang bunga ng korapsyon habang ang iba ay nakasalang sa mga pagdinig sa mga korte.

Isa sa mga pinakahuling kuwestiyonableng ari-arian ang regalo ni ex-President Omar Bongo kay Rolland.

Hindi naman inaresto ng mga awtoridad si Rolland at depensa nitong inosente ito sa regalo sa kanya ng Presidente dahil wala umano itong kaalam-alam kung bunga ng korapsyon o hindi nasabing regalo. RNT