Bebot arestado sa annulment processing scam sa QC

Bebot arestado sa annulment processing scam sa QC

March 16, 2023 @ 11:20 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang isang babae na umano’y nag-aalok ng pagproseso ng annulment kapalit ng pera.

Ayon sa ulat nitong Huwebes, nagsagawa ang NBI, batay sa hiling ng Supreme Court, ng sting operation sa isang restaurant sa Fairview, Quezon City para arestuhin ang suspek.

“Naka-receive kami ng letter from the Chief Justice himself ng Supreme Court natin asking the NBI for assistance. Meron daw umiikot online, nag-o-offer ng non-appearance, annulment, et cetera,” pahayag ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc.

Nag-aalok umano ang suspek na magproseso ng annulment kapalit ng halagang P20,000, at kumuha ng pekeng anulment documents at templates mula sa korte para rito. Hindi bababa sa 12 indibidwal ang nabiktima batay sa ulat.

Kinasuhan siya ng computer-related forgery, vpaglabag sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) law, at estafa.

“Humihingi ako ng tawad kay Chief Justice, kasi sa hirap ng buhay, napilitan lang po,” anang suspek.

Base sa datos, mahigit 5,536 annulment cases ang naihain noong 2009 hanggang 2022 sa Office of the Solicitor General. Isa hanggang dalawang taon bago lumabas ang desisyon ng korte.

“Check and double check, mas maganda kung personally kilala ninyo ang ka-transaksyon ninyo,” pahayag ni Lotoc.

Hinikayat naman ng NBI cybercrime division ang mga biktima na tumungo sa kanilang opisina  para matulungan sa pagkakasa ng karagdagang reklamo. RNT/SA