Bebot arestado sa cyberbullying, extortion

Bebot arestado sa cyberbullying, extortion

August 4, 2018 @ 1:48 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Timbog ang isang babae sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng MPD-District Police Intelligence and Operation Unit (DPIOU)  kagabi sa Sta.Cruz, Maynila.

Nakakulong ngayon sa detensyon cell ng MPD-DPIOU ang suspek na si Sophia Phobe Marcos, 33, dalaga, walang trabaho.

Ayon kay P/Chief Insp.Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-DPIOU, nag-ugat ang pag-aresto sa suspek matapos dumulog sa kanyang tanggapan ang complainant ng mag-amang sina Ronilo at Roxsen-Ann de Guzman noong July 30 taong kasalukuyan.

Nabatid na si Marcos at Ronilo ay dating may relasyon noong 2015 subalit nakipaghiwalay ang huli sa una.

Bilang ganti ay ginamit ng suspek ang pangalan ng kanyang mga anak na si Roxsen-Ann at Remedios upang siraan ang mga ito sa social media.

Humingi umano ng halagang P5,000 ang suspek  sa mga complainant upang tigilan na nito ang pambubullly at paninira kay Roxsen-Ann sa social media.

Dito na ikinasa ang entrapment operation sa pangunguna ni Ibay kung saan naaresto ang suspek sa kahabaan ng Rizal Avenue malapit sa Century Pension House sa Sta.Cruz, Maynila.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Robbery Extortion in relation to R.A 10175 Cyber Crime Prevention Act (identity Theft thru Social Media Facebook and Cyber Libel) at grave threath. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

 

Dinampot ng mga tauhan ni Maj. Rosalino Ibay ng District Police Intelligence and Operation Unit, si Sophia Phobe Marcos 33, matapos ireklamo ng mga biktimang sina Ronilo de Guzman at Roxsen-Ann de Guzman sa pangha-harass sa pamamagitan ng fake account sa Facebook at pang e-extort, ng 5,000 pesos. Kuha ni Crismon Heramis