Bebot, binaril sa loob ng apartelle

Bebot, binaril sa loob ng apartelle

August 6, 2018 @ 5:03 PM 4 years ago


Caloocan City – Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng kanyang kasama sa loob ng isang apartelle sa Caloocan City, kagabi.

Wala nang buhay nang matagpuan sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktima na nakilalang si Eloisa Sheril Tolentino, 20, may live-in partner ng Gagalangin, Tondo, Manila habang ang kanyang kasama na nakilalang alyas ‘Aba’ na pangunahing suspek sa pagpatay ay mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa pulisya, alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng HSRI Apartelle na matatagpuan sa kahabaan ng Brgy  25, kung saan pumasok ang biktima at ang suspek.

Sa pahayag sa pulisya ng receptionist ng Apartelle na si Anne Misalion, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril mula sa kuwarto ng biktima hanggang sa mapansin nito ang kasama ng babae na nagmamadaling umalis kaya agad sila humingi ng tulong sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2.

Nang buksan ng mga awtoridad ang kuwarto na inokupahan ng biktima, nadiskubre ang duguan at walang buhay na katawan ng babae na nakahandusay.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakatago sa bra ng biktima habang patuloy naman ang follow-up operation ng mga pulis upang maaresto ang suspek.  (Rene Manahan)