Bebot kalaboso sa tangkang panunuhol sa pulis

Bebot kalaboso sa tangkang panunuhol sa pulis

July 5, 2018 @ 4:45 PM 4 years ago


Caloocan City – Rehas na bakal ang kinasadlakan ng 33-anyos na babae matapos tangkaing suhulan ang isang pulis kapalit ng kalayaan ng kanyang live-in partner na naaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Police Chief Senior Supt. Restituto Arcanghel, nagtungo si Carol Aldas Segobia, 33, ng Brgy. 178 Camarin sa opisina ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) alas- 2 ng hapon upang bisitahin ang nakakulong na kanyang live-in partner na nakilalang si Sigfrid Cabe, alyas “Boy Negro” na naaresto sa buy-bust operation kasama si Richard Glenn Tinguban at Esperanza Almonte noong Martes.

Narekober ng mga pulis sa mga naarestong suspek ang 17 transparent plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na dami at halaga ng hinihinalang shabu at isang cal. 9mm pistol.

Kinausap ni Segobia ang mga operatiba na nakaaresto sa kanyang live-in partner at inalok ang isang envelope na naglalaman ng P20, 000 kapalit ng kalayaan ni Cabe.

Sa halip na tanggapin ang pera, inaresto ng mga pulis si Miranda at sinabihan ng kanyang mga karapatan bago pinasok sa selda.

Kasong paglabag sa Article 21 of the Revised Penal Code o Attempted Corruption of Public Official ang kasong isinampa ng pulisya kontra kay Segobia sa Caloocan City Prosecutors Office.

Matatandaan, noong June 30, isang matandang babae ang inaresto din ng mga tauhan ng SDEU matapos tangkaing bayaran ang isang operatiba ng P50, 000 kapalit ng kalayaan ng kanyang anak na babae na naaresto rin sa buy-bust operation. (Rene Manahan)