Bebot na may ‘fake identity’ sa pag-claim ng pera, swak sa selda sa Valenzuela

Bebot na may ‘fake identity’ sa pag-claim ng pera, swak sa selda sa Valenzuela

October 14, 2022 @ 9:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Himas rehas ang isang babae matapos itong madakip ng mga awtoridad matapos na paulit-ulit na kumuha maternity benefits sa iba’t ibang branch ng money transfer company sa lungsod ng Valenzuela.

Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspek na kinilalang si Joan E. Esteban, 26, residente ng Tangos North, Navotas City.

Base kay PLT Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela City Police, si Esteban ay kumuha o nag-claim ng Social Security System (SSS) maternity benefits sa MLhuillier money transfer, Malanday branch na nagkakahalaga ng P27,296 gamit ang police clearance id at barangay id na nakapangalan sa isang ‘Allyssa’.

Ani pa ni PLT Santos, isang empleyado ng kumpanya ang nagsabi na ilang beses nang nakapang-biktima ang suspek ng iba’t-ibang money transfer gamit ang parehong modus.

“Inalarma na po kami ng company sa lahat ng branch namin dahil ilang beses na pong may ibang taong nakakapag-claim ng SSS maternity benefits at natuklasan po namin nang mag-claim na po ang mga tunay na may ari,” ani ng empleyado ng money transfer.

“Naka-red alert na po sa amin ang babaeng yan Esteban, may mga pictures na rin po siya na nakakalat sa mga branch namin kaya nung nagke-claim po siya sa amin ay agad kong pinatanggal ang supot niya na face mask dahil sabi ko ay kukunan po sya ng picture at un po ang Standard Operating Procedure (SOP) naman po sa amin yun pag may nagke-claim. Nung napicturan na po sya agad naming ikinumpara at nakumpirma ko nga po na siya ‘yun,” dagdag ng empleyado.

Mabilis na tumawag ng pulis ang empleyado ng nasabing kumpanya at agad namang rumesponde ang mga tauhan ng substation-6 at inaresto ang suspek matapos nitong tanggapin ang pera.

Ayon kay PCpl Marife Batu at PMSg Michael Calora mga imbestigador na may hawak ng kaso, gumagamit ng iba’t-ibang pekeng ID ang suspek gamit ang mga pangalan ng mga totoong benepisyaryo.

Sinabi ni PLT Armando Delima, hepe ng substation-6, napag-alaman na nakakuha na ang suspek ng halagang P55,246 sa Navotas branch noong July 27, 2022; P41,800 sa Sangandaan, Caloocan branch, noong September 16, 2022, at P37,796, sa Mabini, Caloocan branch.

Narekober mula sa suspek ang halagang P27,296, Caloocan City police clearance ID at barangay ID na nakapangalan sa isang “Allyssa”, company ID na nakapangalan sa suspek at isang cellular phone.

Inaalam na ng mga pulis ang bawat detalye at modus ng suspek partikular ang mga detalye kung paano nalalaman ng suspek gaya ng mga pangalan ng benepisyaryo, control number ng claims, petsa ng pagkuha ng pera at halaga ng perang kanyang nakuha at kung ang suspek ang miyembro ng isang sindikato na nagpapanggap ng ibang pagkakakilanlan o stolen identity upang makapanlamang sa kapwa at makapangloko.

“Nagpapasalamat po kami talaga sa Valenzuela Police dahil napakabilis po talaga ng responde nila sa tawag namin,” sambit ng branch manager ng kumpanya.

Mahaharap ang suspek sa kasong Estafa through Falsification of Public Documents at paglabag sa Revised Penal Code article 178 (Using fictitious name and concealing true name). R.A Marquez