Bebot na nag-viral sa video na tinangkang dukutin, kinasuhan sa fake news

Bebot na nag-viral sa video na tinangkang dukutin, kinasuhan sa fake news

September 23, 2022 @ 2:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinampahan ng Caloocan City Police ng kaso ang isang babae na nag-viral sa video na tinangkang umano’y dukutin ng isang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan City Police chief Col. Ferdinand Del Rosario, kasong Article 154 of the Revised Penal Code or the Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances penalizes at Article 353 of the Revised Penal Code or Libel ang kanilang isinampa sa laban sa babae na nagmamay-ari ng video post na tinangka umano dukutin ng isang lalaki sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Ayon kay Col. Del Rosario, sinampahan naming ng kaso ang babae matapos naming mapag-alaman makaraan ang isinagawang imbestigasyon na hindi totoo ang tangkang pagkidnap sa kanya at gawa-gawa lamang ang kanyang mga naging pahayag.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sa mga kuha ng CCTV footages at kanilang mga saksi lumalabas na magkakilala babae at lalaking sakay ng motorsiklo na sinasabi nito na nagtangkang kumidnap sa kanya.

May mga kuha rin ang pulisya ng CCTV na bago yung sinasabi ng biktima na tangkang pagkidnap sa kanya ng suspek ay makikita sila na magkaangkas sa motorsiklo at makikita rin ang pagbaba ng babae sa motor.

Sinabi ni Col. Del Rosario, dahil sa kanyang ginawa na nagbigay alarma at takot sa buong bansa partikular na sa mga residente ng lungsod ng Caloocan kaya’t sinampahan nila ng kaso ang babae maging yung lalaki na sakay ng motorsiklo.

Nabatid na noong Setyembre 4, 2022, dakong alas-5:45 ng umaga, nakuhanan ng CCTV ang tangka umanong pagdukot ng isang babae na lalaki na sakay ng motorsiklo at nagpakilalang pulis sa Brgy. 177 ng lungsod kung saan nag-viral ito sa social media matapos i-post ng biktima.

Sa post ng biktima, sinabi niya na pinipilit siya ng lalaking nagpakilalang pulis na sumakay sa motorsiklo upang ihatid siya sa kanyang pupuntahan subalit tumanggi siya at sinabi niya na magje-jeep na lamang siya.

Nang makarating sa kaalaman ng Caloocan City Police ang insidente ay agad nila itong iniimbestigahan para matukoy ang pagkakilanlan ng suspek at para mabigyan na rin ng proteksyon ang biktima. R.A. Marquez