Bebot na nanakit ng traffic enforcer sa Malate positibo sa droga; droga mula sa manliligaw na Chinese

Bebot na nanakit ng traffic enforcer sa Malate positibo sa droga; droga mula sa manliligaw na Chinese

May 30, 2021 @ 9:21 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Nagpositibo sa iligal na droga ang babae sa viral video sa pananakit ng isang traffic enforcer sa Malate matapos lumabag sa batas trapiko.

Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr., positibo na gumagamit ng iligal na droga ang babaeng nag-viral sa social media na kinilalang si Pauline Mae Altamirano Salamero, alyas Maria Hola Sy, 26, dalaga, model, at residente ng Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City gayundin ang mga kasabwat nito na naaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya na sina Rendor Sanchez y Esqueta, 30, binata, walang trabaho, ng Blk 36 Lot 28 Banlic, Calamba Laguna; Jason Dela y Soriano, 29, single, vendor, ng Blk 20, lot 28 Villa Palao, Banlic Calamba, Laguna at Marlon De Guzaman y Acueza, 29, binata, driver, ng Block 10, lot 28 Villa Palao Banlic Calamba, Laguna.

Isiniwalat ni Sanchez na kagagamit lamang ng mga ito ng droga bago maaresto.

Target din aniya nila ang Chinese national na kasabwat ng mga suspek na napag-alaman na nanliligaw kay Altamirano.

Ayon naman kay Altamirano, galing sa manliligaw na Chinese ang nakumpiskang droga sa bag nito.

Ang nasabing dayuhan ang nag-utos umano sa mga lalaking naaresto na kunin ang droga na bitbit ni Altamirano ngunit nasabat sila ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Maynila.

Ayon kay Lt.Col. Ibay, bukod sa mga babae ang ginagamit na driver ay mga nirerentahang sasakyan ang ginagamit ng mga naarestong drug group para mabilis silang makapagpalit ng sasakyan at hindi sila masundan ng mga awtoridad.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec.11 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga naarestong suspek.

Nabatid din kay Ibay na isasama nila sa paghahain ng kaso ang kasabwat nilang Chinese national kung saan inaayos na nila ang mga ebidensya laban dito.

Matatandaan na unang naaresto si Altamirano makaraang manakit ito ng isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na kinilalang si Marcos Anzures Jr. na sumita sa kanya dahil sa paglabag nito sa batas trapiko sa Malate, Maynila.

Pinasalamatan naman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si MTPB Director Dennis Viaje dahil may traffic enforcer ito na may mahaba ang “tolerance” dahil sa kabila ng ginawang pananakit ng babaeng violator ay nakapagtimpi pa rin ito.

Dagdag pa ng alkalde, dahil sa pagkakaaresto sa babaeng traffic violator ay nasugpo ang drug group dahil sa isinagawang masusing imbestigasyon at operasyon ng SMaRT. Jay Reyes