Bebot na tulak, tiklo sa P170K shabu sa Caloocan

Bebot na tulak, tiklo sa P170K shabu sa Caloocan

November 19, 2022 @ 3:46 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P170,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga pulis sa isang bebot na umano’y tulak ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones si District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief PLT Col. Renato Castillo sa matagumpay na pagkakaaresto sa umano’y drug pusher na kinilala bilang si Jocelyn Otano alyas “Josephine”, 40, residente ng Brgy. 188 ng nasabing lungsod.

Base kay Col. Peñones, dakong alas-9:00 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU, kasama ang Sub-Station 14 ng Caloocan Police sa pangunguna ni P/Major Segundo Bulan ng planned buy-bust operation sa Riverside, Phase 12, Brgy. 188 matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng suspek.

Sa ulat ng pulisya, isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba.

Narekober ng mga pulis sa suspek ang nabiling isang plastic sachet ng shabu at isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman lahat ng humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu, buy bust money na isang P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money at pulang pouch.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Caloocan City Prosecutor’s Office. R.A Marquez