Bebot na viral na nanakit sa traffic enforcer sa Maynila, drug courier pala

Bebot na viral na nanakit sa traffic enforcer sa Maynila, drug courier pala

May 28, 2021 @ 5:26 PM 2 years ago


Manila, Philippines – Nahaharap sa panibagong asunto ang babaeng unang naaresto makaraang lumabag sa batas trapiko dahil sa pagmamaneho ng walang lisensiya kung saan nag-viral sa social media ang pananakit nito sa traffic enforcer sa Malate, Maynila.

Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr., napag-alaman umano na drug courier ang naarestong si Pauline Mae Altamirano Salamero, alyas Maria Hola Sy, 26, dalaga, model, at residente ng Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City na naaresto nitong Mayo 27, 2021 makaraang manakit ng isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na humuli sa kanya dahil sa paglabag nito sa batas trapiko.

Sa ulat ng SMaRT, naaresto sa isinagawang operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Rendor Sanchez y Esqueta, 30, binata, walang trabaho, ng Blk 36 Lot 28 Banlic, Calamba Laguna; Leopoldo Salamero y Melliza, 20, binata, walang trabaho, ng 182 Rizal St., Paciano Rizal, Calamba, Laguna; Jason Dela y Soriano, 29, single, vendor, ng Blk 20, lot 28 Villa Palao, Banlic Calamba, Laguna; at Marlon De Guzaman y Acueza, 29, binata, driver, ng Block 10, lot 28 Villa Palao Banlic Calamba, Laguna.

Nabatid na dadalawin umano ng mga suspek ang nakakulong na si Salamero upang kunin ang mga bitbit nitong droga na nasa loob ng kanyang bag.

Ayon kay Ibay, nalaman nila mula sa cellphone ng naarestong babae ang usapan nila ng mga suspek kaya’t agad silang nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga ito.

Aniya, target nila ang Chinese national na kasabwat ng mga ito ngunit ang pinalutang umano ay mga mga suspek na naaresto.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, kaya malakas ang loob ng babae na si Salamero ay marami itong pera at akala umano nito na kayang bayaran ang sinaktan nitong traffic enforcer.

“Paano ngayon yan, welcome kayo sa Maynila, hoyo kayo lahat. Sabi na sa inyo, huwag niyong gagawin dito yan sa Maynila e. Ang lakas ng loob niyo na gawin dito sa Maynila ha,” ani Domagoso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec.11 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga naarestong suspek.   JAY Reyes