Bebot patay sa pamamaril sa sementeryo

Bebot patay sa pamamaril sa sementeryo

February 15, 2023 @ 1:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa mismong himlayan na natapos ang buhay ng isang bebot matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng Manila North Cemetery habang sugatan din ang kasamahan nito, Martes ng hapon, Pebrero 14.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, kinilala ang nasawi na si Marivic Quiso y Reyes, alyas Bechay, 33, dalaga at residente ng Maria Clara St., Banawe, Quezon City.

Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Hospital ang kasamahang sugatan na si Judy Ann Francisco y Zapata, 28, waitress at residente naman sa loob ng sementeryo.

Ayon kay MPD-Homicide Chief, PCpt Dennis Turla, nakaupo lamang ang dalawang biktima sa may 29th Street ng nasabing sementeryo nang dumating ang suspek at armado saka pinagbabaril si Reyes na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Habang tinamaan din ng bala si Zapata na pinagtulungang isugod sa pagamutan ng mga bystanders.

Patuloy ang isinasagawang follow up operation ng pulisya para sa ikadarakip ng lalaking suspek na nakasuot ng all black na cap, jacket, short pants at naka-tsinelas.

Inaalam na rin ng pulisya kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril sa biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden