Bebot pinagsasaksak ng selosong lover, tepok!

Bebot pinagsasaksak ng selosong lover, tepok!

July 21, 2022 @ 5:41 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Todas ang isang babae nang pagsasaksakin sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan ng kanyang kinakasama dahil sa matinding selos kahapon ng umaga sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang biktima na Lory Joy Laman, 23-anyos, accounting staff, at residente ng 2532 Saint James St., Admin Tala, Caloocan City ngunit binawian din ito ng buhay dahil sa limang tama ng saksak sa leeg, tagiliran at mukha.

Agad naman nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang tumakas na suspek sa isang follow-up operation sa Cavite na nakilalang si Ceranton Jarales Cardenas, 19, residente ng Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni PCPL Isaias de Pedro II, dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa tapat ng Padilla Machine Shop na matatagpuan sa 1083 Quirino Highway, Brgy. Kaligayahan, sa Novaliches, Q.C.

Sa salaysay ng testigong si Salvador Madriguera sa pulisya, kasalukuyan umano siyang nagtatrabaho sa machine shop nang makita ang biktima at suspek na nagkakaroon ng mainitang pagtatalo.

Kalunan ay bigla na lang umanong nagbunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak na ang biktima bago tumakas patungo sa direksiyon ng LTO Novaliches.

Bagamat sugatan, nagawa pa umano ng biktima na makahingi ng tulong sa duty security guard ng RDL Factory na si Jamil Usman, na siyang nagsugod sa kanya sa Commonwealth Hospital subalit binawian din ito ng ng buhay sanhi ng limang tama ng saksak sa leeg, tagiliran at mukha.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya na matagal nang nagkakaroon ng di pagkakaunawaan ang suspek at biktima.

Natuklasang inireklamo na rin ng biktima ang suspek sa Barangay 186 ng Caloocan City, ng kasong paulit-ulit na paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC).

Ayon kay PLTCOL Mark Julio Abong, hepe ng QCPD-CIDU, bago ang krimen ay nag-usap na rin umano ang mag-live-in partner na maghihiwalay na ng maayos matapos ang kanilang dalawang taong pagsasama dahil sa napapadalas na pag-aaway ng mga ito.

Gayunman, nang magkita ang dalawa upang isauli na sana ng suspek ang mga gamit ng biktima at tapusin na ang kanilang relasyon ay nauwi ito sa pagpatay.

“Ang usapan sana nila, maghihiwalay na nang maayos. Isosoli nung ating suspek, itong si Anton, ‘yung mga gamit ng biktima para tapusin na ‘yung samahan nila. Sumulpot doon ‘yung allegedly e third party nitong biktima,” pahayag pa ni Abong.

“Yung ating initial investigation, lumalabas meron silang di pagkakaunawaan. This is a.. siguro, matatawag natin itong ‘crime of passion,’ meron silang kinakaharap na domestic dispute, may third party involve,” dagdag pa ng hepe ng CIDU.

“Nagdilim ‘yung paningin ko. Pinagtatanggol niya po ‘yung lalake niya. Kumbaga tinataboy niya ‘ko. Sinabihan niya ako na ‘Pu….na ka… umalis ka na rito,’ ‘di na kita kailangan. Syempre po masakit po sa’kin,” pahayag ang suspek.

Nakapit na si Cardenas habang Inihahanda ang kasong murder laban sa kanya. Jan Sinocruz