Bebot tiklo sa shabu sa piitan

Bebot tiklo sa shabu sa piitan

August 8, 2018 @ 5:54 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tiklo ang isang bebot matapos magtangkang magpuslit ng shabu sa loob ng bilangguan ng Quezon City Police District na hinihinalang idedeliber sa kanyang nakapiit na live-in partner sa naturang lungsod kaninang madaling araw Agosto 8, 2018 (Miyerkules).

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165  o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Joan dela Cruz, 41, residente ng Barangay Balon Bato,QC.

Batay sa ulat ng Talipapa Police Station (PS-3), dakong alas-2:45 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa loob mismo ng naturang police station.

Nagtungo sa bilangguan ang suspek at nakiusap umano sa mga pulis para madalaw ang kanyang nakapiit na kinakasamang si Crisencio Tismo upang dalhan ng pagkain.

Nabatid na si Tismo ay nakadetine sa detention facility ng PS-3, matapos na maaresto ng mga pulis noong nakaraang buwan dahil rin sa pag-iingat ng iligal na droga.

Sa awa ay pumayag naman ang mga pulis, ngunit nang isailalim sa mandatory body check ay nakumpiskahan si dela Cruz ng isang pakete ng shabu na nakalagay sa kanyang bulsa. (Santi Celario)