Beef ban sa Netherlands, chicken ban sa Turkey ikinasa ng Pinas

Beef ban sa Netherlands, chicken ban sa Turkey ikinasa ng Pinas

February 21, 2023 @ 9:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mga baka at mga kaugnay na produkto mula sa The Netherlands at mga produktong manok mula sa Turkey.

Ito ay dahil sa naiulat na outbreak ng mad cow disease sa The Netherlands at ng avian influenza sa Turkey.

Ayon sa Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal ay sumasaklaw sa mga buhay na hayop, karne at mga produkto ng karne na nagmula sa mga baka, gayundin ang mga domestic at ligaw na ibon at ang kanilang mga produkto mula sa mga bansang sakop.

“This order shall take effect immediately and shall remain enforced unless revoked in writing. All orders inconsistent herewith are deemed revoked,” base sa magkahiwalay na binasa na mga utos na inilabas.

Kaugnay nito sa pagkakaroon ng pagbabawal, agad na sinuspinde ng DA ang pagproseso, pagsusuri ng mga aplikasyon at pag-iisyu ng sanitary and phytosanitary (SPS) import clearance para sa mga nasabing produkto.

Nabatid pa na ang lahat ng mga pagpapadala ng karne na nagmumula sa The Netherlands na nasa transit/nagkarga/tinatanggap sa daungan bago ang pag-isyu ng order na ito ay papayagan, basta’t ang mga produkto ay kinatay o ginawa noong o bago ang Enero 1.

Samantala sa kaso ng mga poultry products na nagmumula sa Turkey, ang mga nasa transit/loading/accepted papunta sa daungan bago ang pagpapataw ng ban ay papayagang makapasok sa bansa hangga’t ang mga ito ay kinatay o ginawa noong o bago ang Enero 17.

Bunsod nito ang DA ay magsasagawa ng mas mahigpit na inspeksyon sa lahat ng pagdating ng karne at mga produkto ng karne, gayundin ang mga domestic at ligaw na ibon at ang kanilang mga produkto sa lahat ng mga pangunahing daungan.

Nauna rito, ang punong opisyal ng beterinaryo ng Netherlands ay nag-ulat sa World Organization for Animal Health (WOAH) ng pagsiklab ng mad cow disease o bovine spongiform encephalopathy (BSE) na nakakaapekto sa mga domestic cattle noong Pebrero 1.

Gayundin, ipinaalam ng mga awtoridad mula sa Turkey ang WOAH na nagkaroon ng outbreak ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) subtype na H5N1 sa Asagihilal, Afyon na tumama sa mga domestic bird.

“The recent cases of BSE, commonly known as mad cow disease, in The Netherlands as reported to the WOAH may pose a risk to consumers due to BSE’s assumed link with the variant Creutzfeldt-Jakob disease (vCJD) in humans,” ayon pa sa DA.

“There is a need to prevent the entry of HPAI virus to protect the health of the local poultry population,” dinagdaga pa nito. Santi Celario