BEI sa CamSur, pinagpapaliwang ng PET sa mga umanoy iregularidad sa 2016 elections

BEI sa CamSur, pinagpapaliwang ng PET sa mga umanoy iregularidad sa 2016 elections

July 6, 2018 @ 3:34 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang Board of Election Inspectors sa Camarines Sur sa umano’y mga iregularidad sa mga balota na natuklasan sa isinasagawang manual recount sa mga boto para sa pagka-bise presidente noong May 2016 elections.

Ang manual recount ay kaugnay sa electoral protest sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos Jr. sa 9 na pahinang resolusyon ng PET noong June 19, pinagpapaliwanag ang BEI sa nasabing lalawigan sa natuklasan ng mga revisor na iregularidad.

Binigyan naman ng PET ng sampung araw sa mga kaukulang municipal treasurer at mga miyembro ng BEI para magsumite ng paliwanag.

Kasama sa nais ng PET na magkaroon ng linaw ang kwestyonableng paggamit ng dalawang MOV Form na sa Barangay San Francisco sa Iriga City na nakitaan ng iregularidad at ang magkaibang lagda ng BEI Chair sa mga election documents.

Gayundin ang incident report noong May 25 kaugnay ng clustered precinct No. 36 sa Baragay Tupi, Tinambac kung saan apat na black zip tie ang ginamit sa pagselyo sa ballot box sa halip na COMELEC red plastic seal.

Bukod dito, mayroon ding plastic seal na nakita sa loob ng ballot box at ang hindi matagpuang election return envelope na wala sa loob ng ballot box.

Ang tila nabuksan na envelopes para sa Minutes Of Voting o MOV at punit na mga balota at nawawalang voter’s receipt box.

Noong Abril, pinagpaliwanag din ng PET ang mga municipal treasurer sa Bato, Sagnay sa bayan ng Garchitorena at Ocampo kung bakit basa o napinsala ang mga balota sa kani-kanilang mga presinto.

Ang PET ay binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)