Bello, reresbak sa mga nagsabing nasuhulan siya

Bello, reresbak sa mga nagsabing nasuhulan siya

July 26, 2018 @ 1:24 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines –  Pinag-iisipan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sampahan ng kaso ang may-ari ng recruitment agency na nag-akusang siya ay tumanggap at humihingi ng suhol.

Nauna nang itinanggi ni Bello ang akusasyon ng negosyanteng si Amanda Araneta na tumanggap siya ng P100,000 at isang high-end phone.

Sinabi ni Bello sa isang panayam na pumunta si Araneta sa tanggapan at nag-iwan ng regalo na una niyang inisip na isang pabango.

“Bilang labor secretary, maraming pumupunta sa opisina. Hindi ko lang matandaan kung birthday o Christmas, nagdala yan ng regalo. ‘Yung regalo, tingin ko nun pabango. Kaya lang nung binuksan ko, may pera. Kaya tinawag ko ang aking sekretarya. ‘Sabihin mo kay Mrs. Araneta, bawiin niya ‘yung pera.’ Binawi naman,” ani ni Bello at sinabi pang binalaan din niya si Araneta na hindi na ito maaring bumalik kung hindi niya babawiin ang pera.

“Never akong humingi at, lalong-lalo, never akong tumanggap sa ninuman. ‘Yung nag-alok na ‘yun, si Ms Araneta, ibinalik ko. Hindi ko nga alam kung magkano ‘yun e.”

Matatandaan na sinabi ni Araneta na tinanggap ni Bello ang P100,000 cash at isang cellphone noong December 2016 mula sa kaniya.

Dagdag pa niya, tinaggihan ni Bello ang karagdagang P100,000 cash gift noong June 2017  dahil sa kumakalat na isyu ng korapsyon sa labor department.

Sabi niya pa, humihingi ng P10 million-P15 million suhol si Bello para aprubahan ang lisensiya ng kaniyang agency na mariing itinanggi ni Bello.

Bilang depensa, sinabi ng labor chief na hindi siya tatanggap ng cellphone dahil siya ay ‘illiterate’ pagdating sa mga telepono. Tinanggi niya rin ang pag-utos sa kahit sinong tumanggap ng suhol.

Naniniwala si Bello na ang insidente ay gawa ng isang taong gusto siyang paalisin sa departamento. Binalaan rin ni Bello si Araneta na pag-isipan ang kaniyang mga hakbang na ginagawa.

“Dino-document ko lahat ng mga sinasabi niya and I’m finding out what I can file against her. Hindi naman tayo papayag na mayurakan lang tayo,” sabi niya.

“Pag-isipan niyang mabuti, baka kung sino-sino lang ang nag-uudyok sa kanya. Di malayo ‘yan, may lumapit na sa akin e. In due time, I will expose itong mga kalokohan nila,” dagdag pa niya.

Matatandaan na isang labor group ang pumipilit na pababain sa pwesto si Bello dahil sa umano’y kinasangkutan nito sa pangingikil sa mga employment agency at dahil sa kabiguan nitong matulungan ang Pinay na migrant worker na nahiwalay sa kaniyang baby sa Saudi. (Remate News Team)