Belmonte numero uno pa rin sa QC-survey

Belmonte numero uno pa rin sa QC-survey

December 13, 2021 @ 6:36 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Numero uno pa ring kandidato sa pagka-alkalde ng Quezon City si Mayor Josefina “Joy” Belmonte at patuloy ang kanyang malaking kalamangan sa iba pang kumakandidato bilang punong-lungsod para sa Halalang 2022.

Ito ang nasasaad sa huling ‘independent survey’ na ginawa ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) gamit ang ‘face-to-face’ na pagtatanong sa 10,000 residente ng lungsod na may ‘two’ (2) percent (+/-) ‘margin of error’ sa loob ng November 16 hanggang November 26, 2021.

Iniulat ni Dr. Paul Martinez, chairman ng RPMD na napanatili ni Mayor Belmonte ang kanyang malaking kalamangan at katunayan ay umusad at nadagdagan pa nang kaunti ang 60 percent nito nang matamo ang pagtitiwala ng mga botante sa lungsod, at ngayon ay pumalo na sa 62 percent.

Dagdag pa ni Dr. Martinez, malayo ang kalamangan ni Belmonte sa katunggali nitong si Anakalusugan Partylist Congressman Michael Defensor na dumausdos pa ang dating 32 percent nito sa 30 percent na lamang.

Ang sabi ni Dr. Martinez, pabor pa rin ang mga botante kay Belmonte at hindi kay Defensor, dahil sa ‘track record’ nito na pagsilbihan ang mga tinatawag na QCitizens ‘di lamang sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo publiko kundi ang pagtalima ng mayora sa panganib nang sumailalim ang lungsod at ang buong bansa sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa pamumuno ni Belmonte ay naigawad din nitong huli, ang pagkilala ng Department of Finance sa lungsod bilang pinaka-mahusay na local goverment uniit sa paghahawak ng mga nakokolektang buwis. Ang pagkilalang ito ng DoF ay siya namang tumugma sa naunang pahayag ng Commission on Audit nang maglabas ito ng “unmodified or clean opinion” sa tamang paghawak ng lungsod sa kaban ng bayan sa nagdaang taon ng 2020.

Sa pahayag ni DoF – Bureau of Local Goverment Finance executive director Niño Raymond B. Alvina sa pamamagitan ng isang ‘memorandum’, ang Quezon City sa taong 2020 ay nakapagtala ng kabuuang P21.757 bilyong nakolektang buwis, kabilang na ang mga ‘real property taxes, local business tax’ at maging iba pang kabayaran na galing sa mga lokal na negosyo sa lungsod.

Kinilala rin ang QC sa pamumuno ni Belmonte sa “year-on-year growth of 15.6 percent revenue” mula noong 2019 na may koleksiyong P18.81 billion o katumbas na pagtaas na P2.76 bilyong piso sa local revenues.

Pinasalamatan naman ni City Treasurer Ed Villanueva ang DoF-BLGF sa ibinigay nitong pagkilala sa lungsod at inihayag ang dahilan ng matagumpay na paghawak ng kaban ng bayan, ay ang mahusay na pamamalakad ni Mayor Belmonte na siya namang tinutumbasan ng taxpayers ng tamang pagbabayad ng kanilang buwis.

Samantala, iniulat din ng RPMD na sa kanilang survey ay lumalabas din na halos lahat ng ‘incumbent mayor’ sa Kamaynilaan ay may malaking pagkakataong maibotong muli dahil sa mga ipinakikita nilang “high performance in public service.” RNT