Benepisyo ng kooperatiba sa PUV drivers, inilatag ng DOTr

Benepisyo ng kooperatiba sa PUV drivers, inilatag ng DOTr

March 7, 2023 @ 7:06 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes sa public utility vehicle (PUV) drivers na sumali sa accredited cooperatives, at inilatag ang mga benepisyo nito.

Inihayag ito ni DOTr-Office of Transportation Cooperatives (OTC) chairperson Jesus Ortega sa gitna ng week-long transport strike laban saPUV Modernization Program, na nagre-require sa mga driver na sumali sa mga kooperatiba.

“Pagnagkooperatiba tayo magiging propesyonal na ang negosyo nila sa transportation kesa mag-isa lang ang isang jeepney driver. Pero kung magsama-sama sila kunyari 15 or more, kaya nila pagtulungan kung paano mamaintain ang mga sasakyan, kaya nila pagtulungan ang gastusin, kaya nila pag-usapan paano maimprove ang kanilang mga buhay,” pahayag ni Ortega.

“Para ka ng empleyado ng isang kumpanya alam mo na ang kikitain mo araw-araw, may SSS ka na, PhilHealth, at insurance, at mayroon ka pang komisyon at the end of the year. So ibang iba na ang magiging sitwasyon ng ating jeepney driver kesa noong nakaraan,” dagdag niya.

Inihayag ng DOTr official na mahigit 1,800 accredited cooperatives na may halos 200,000 miyembro ang naitala hanggang nitong Enero.

Nauna nang pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para bumuo ang jeepney operators ng kooperatiba hanggang December 31, 2023. RNT/SA