BENEPISYO NG MGA NASA MEDIA, IPINANUKALA SA KAMARA

BENEPISYO NG MGA NASA MEDIA, IPINANUKALA SA KAMARA

July 26, 2022 @ 7:42 PM 2 weeks ago


IMINUMUNGKAHI ng apat na kongresista sa pamamagitan ng House Bill No. 304 ang pagbibigay ng seguridad sa trabaho at mga benepisyo sa mga nasa mass media kapwa sa pampubliko at pribadong sektor. 

Para kina Camarines Sur representatives Luis Raymund Villafuerte (2nd district), Tsuyoshi Anthony Horibata (1st district), at Miguel Luis Villafuerte (5th district), at Nicolas Enciso VIII ng Bicol Saro party list na mabigyan ang mga kagawad ng media ng security of tenure, hazard and overtime pay, at mandatory additional insurance coverage.

Layunin ng panukala na makalikha ng isang ligtas, protektado, at produktibong media workers bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga ito para makapaghatid ng balita at impormasyong kinakailangan ng mga mamamayan.

Ikinalungkot ng apat na kongresista na ang mga nasa media ay dumaranas ng pang-aabuso sa kanilang labor rights katulad ng kawalan ng security of tenure, hazard pay, night shift differential, at overtime pay.

Nakasaad sa panukala ang pagkakaloob ng minimum monthly compensation bilang entry-level batay sa determinasyon ng NWPC o National Wages and Productivity Commission, at ang RTWPBs o ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.

Nais din ng mga kinatawan na lumikha ng News Media Tripartite Council na siyang gagawa ng mga polisiya na may kaugnayan sa media sector kabilang ang halaga ng hazard pay na hindi dapat bababa sa P500 pesos para sa mga miyembro ng media na nasa delikado o buwis buhay na mga coverages.

Bagamat long overdue na ang panukalang ito ng magigiting na kinatawan buhat sa Camarines Sur at ng Bicol Saro party list, magandang makalusot ito sa Kongreso at maging ganap na batas dahil malaking tulong ito sa propesyonalismo ng mga nasa hanay ng media.

Para naman mapaghandaan ng mga kasama namin ang kanilang pagtanda. Karamihan sa mass media ay walang Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund, mabuti na lamang at awtomatikong miyembro na ang lahat ng PHILHEALTH.

Maganda ang panukala dahil magkakaroon na ng dignidad ang mga nasa mass media, tunay na magagampanan nito ang kanyang responsibilidad na maging mata at tenga ng taong bayan hinggil sa mga isyu at usapin na araw-araw ay bahagi ng kanilang buhay.

Kung may maayos na suweldo at mga benepisyo, matatapos na ang “envelopmental journalism” sa bansa kung saan nababayaran ang ibang nasa media para maglingkod sa mga nasa poder ng kapangyarihan at mga kilalang pangalan sa mundo ng pagnenegosyo.   

Mahaba-haba pa ang pagdaraanan nito. Kailangan ng counterpart measure buhat sa Senado, nandiyan naman sina senador Loren Legarda at Raffy Tulfo para sumuporta.

Matapos ay kailangan itong talakayin sa committee level at madala sa plenaryo. Siguradong tututukan ito ng mga nasa media dahil kinabukasan nila ang nakataya sa panukalang batas na ito.