Benepisyo para sa health workers inihirit sa DOH

Benepisyo para sa health workers inihirit sa DOH

September 6, 2022 @ 2:12 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Muling nagsagawa ng kilos protesta sa tanggapan ng Department of Health (DOH) sa Maynila ang ilang health workers mula sa mga pribadong ospital.

Layunin ng protesta na igiit sa DOH at sa Department of Budget and Management (DBM) gayundin kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang dagliang implementasyon ng mga benepisyong nasasaad sa batas at ipinangako sa mga manggagawang pangkalusugan sa buong bansa.

Ayon kay Jao Clumia tagapangulo ng St. Luke’s Medical Center Employees Association (SLMCEA), ang mga benepisyo na nakasaad sa batas ang tangi nilang hinihiling na makamit na mga manggagawa.

“Ang problema, binarat na nga ang pondo para sa benepisyo palpak at makupad pa ang implementasyon nito. kung saan nagtuturuan aniya ang DOH at DBM sa kung sino ang mananagot sa mga kapalpakang ito habang nagdurusa naman ang kalakhan ng mga manggagawa lalo na ang mga nasa pribadong ospital,” ani Clumia.

“Nandito kami dahil hindi pa lubos na naibibigay ang aming One Covid Allowance o OCA na nag-expire na noon pang July. Ang Health Emergency Allowance naman na dapat ay magkakabisa na simula noong June ay parang hindi pa alam ng DOH kung saan kukunin ang pondo para dito,” sabi naman ni Sherwin Moscosa, tagapangulo sa unyon ng St. Luke’s Global City.

Sinabi naman ni Don Siazon, pangulo ng Ugnayang Nagkakaisang Manggagawa ng UST Hospital na kung may batas man na dapat ipatupad ng Malakanyang ito ay ang gawing epektibo ang pamamahagi ng mga benepisyo at ito aniya ay magagawa ni BBM sa pamamagitan ng isang “Presidential Decree”.

Pinuna rin ni Clumia ang pahayag ni Marcos Jr. na pagluluwag sa restriksyon sa bilang ng mga narses na maaring mangibang-bansa.

“Ang diumano ay kawalan ng sapat na pondo para mapanatili ang ating mga manggagawang pangkalusugan ay tinitingnan naming pag-abandona sa tungkulin ng estado para proteksyunan ang mga manggagawa. Ang itulak kami upang mangibang-bansa kung susuriin ay upang pondohan at tustusan ang gobyerno sa pamamagitan ng milyon-milyong dollar remittances mula sa mga overseas HCWs,” pahayag ni Clumia.

“Ang kilalanin ang mahalagang papel naming mga manggagawa sa panahon ng krisis pangkalusugan ay salungat sa mga hakbang na ginagawa ng gobyernong ito. May kongkretong magagawa ang gobyernong Marcos kung gugustuhin nito para sa pagtitiyak ng aming mga benepisyo. Sawa na kami sa mga pangako na palagi na lamang inilalako at napapako,” sabi pa ng mga health workers. Jocelyn Tabangcura-Domenden