Bentahan ng sasakyan lumakas pa – manufacturers

Bentahan ng sasakyan lumakas pa – manufacturers

December 14, 2022 @ 5:11 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Lumakas pa ang bentahan ng sasakyan nitong Nobyembre makaraang makapagtala ng double-digit growth ang naturang industriya sa ika-siyam na sunod-sunod na buwan.

Ito ay ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at ng Truck Manufacturers Association (TMA) kung saan sa pinagsama nilang vehicle sales report para sa buwan ng Nobyembre, tumaas ng 32.4% ang benta ng mga sasakyan o katumbas ng 35,037 units mula sa 26,456 units na naibenta noong Nobyembre 2021.

Umabot naman sa 43% ang pag-angat ng bentahan sa commercial vehicles sa 26,106 units noong nakaraang buwan mula sa 18,251 na naibenta noong nakaraang taon.

Sa commercial vehicle segment, 20,211 unit sales ang naitala para sa light commercial vehicles, 4,983 units para sa Asian utility vehicles, 537 units sa light trucks at 337 units sa trucks at buses na category 4 habang 83 units ang naibentang trucks at buses na nasa category 5.

Samantala, tumaas din ng 8.8% nitong Nobyembre ang passenger car sales sa 8,931 units mula 8,205 units.

“The auto sales performance has been improving, recording double-digit growths for nine successive months. With the continued growing consumer demand for new motor vehicles, the industry is convinced and confident in exceeding its sales forecast of 336,000 this year,” pahayag ni CAMPI president Rommel Gutierrez.

Lumobo naman sa 31% o 315,337 units ang naibenta ng local vehicle assemblers mula Enero hanggang Nobyembre mula sa 240,642 units sa kaparehong panahon noong 2021.

Sa nabanggit na bilang, 238,054 dito ang commercial vehicles at 77,283 units sa passenger cars.

“The automotive industry underscores the importance of pent-up demand from consumers supported by continued economic recovery, boosting business and consumer confidence. These, alongside the containment of the pandemic, are significant factors towards sustained growth,” dagdag pa ni Gutierrez.

Nananatiling ang mga car brands na Toyota, Mitsubishi, Ford, Nissan at Suzuki ang leading car manufacturers sa bansa sa nakalipas na 11 buwan. RNT/JGC