Bentahan ng sasakyan tumaas ng 27.2%

Bentahan ng sasakyan tumaas ng 27.2%

March 13, 2023 @ 1:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tumaas ng hanggang 27.2% ang bentahan ng mga sasakyan sa bansa nitong Pebrero.

Ayon sa local automotive manufacturers, tiwala silang malalampasan na ngayong taon ang pre-pandemic sales level sa hanggang 15% paglago kasabay ng “favorable” economic indicators.

Sa joint report na inilabas nitong Lunes, Marso 13, sinabi ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA) na tinatayang papalo sa 395,000 ang mabebentang sasakyan ngayong 2023.

Tiwala rin ang mga grupo na makapagtatala ng 10% hanggang 15% paglago ng mabebentang sasakyan mula sa 352,596 na naitala noong nakaraang taon, sa year-to-date sales na nasa 60,464 units na ang kanilang naibenta sa pagtatapos ng Pebrero.

Mas mataas ito ng 34% kumpara sa kaparehong panahon noong 2022.

“Favorable various economic indicators are prevailing, leading to improving the overall outlook of the economy alongside increasing consumer demand for new motor vehicles,” sinabi ni CAMPI president Atty. Rommel Gutierrez.

Nitong Pebrero, nakapagbenta ang industriya ng 30,905 units ng sasakyan o 27.2% na pagtaas mula sa 24,304 units na naibenta sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, at 4.8% na mas mataas sa 29,494 units na naibenta noong Enero.

“A clear indicator of a ‘continuously progressing auto industry’ from the course of the pandemic,” ani Gutierrez.

Sa nasabing bilang, ang passenger car sales ay mayroong 7,189 units, sa commercial vehicle sales naman ay 23,716 units, Asian utility vehicles (AUVs) sa 4,896 units; light commercial vehicles (LCVs) sa 18,035 units; Light trucks sa 438 units; at trucks at buses sa 347 units. RNT/JGC