Bersamin, Deputy ES Guevarra bumisita sa lamay ni Percy Lapid

Bersamin, Deputy ES Guevarra bumisita sa lamay ni Percy Lapid

October 6, 2022 @ 1:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Magkasamang nagpaabot ng kani-kaniyang  pakikiramay sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra sa pamilyang naulila ng brodkaster na si Percy Lapid sa  Manila Memorial.

Nauna rito, nagpaabot ng taos-pusong simpatya at pakikiramay ang Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Las Piñas City sa naulilang pamilya  ni  Percy Lapid.

Sa inilabas na pahayag ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, na nagluluksa at nalulungkot ang lokal na pamahalaan sa pagkamatay ni Lapid na isang Las Piñero, matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa gate ng subdivision sa lungsod kamakailan.

Ayon sa alkalde ang pagpaslang sa mamamahayag ay isang direktang pag-atake sa press freedom o malayang pamamahayag at pagsikil sa karapatan ng mamamayan sa katotohanan at pahayag.

Bumuo na rin ang Las Piñas City Police ng isang special task force na tututok at mag-iimbestiga sa naturang karumal-dumal na krimen.

Nangako rin ang Las Piñas LGU na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ni Lapid.

Samantala, nag-alok naman ng pabuya  si DILG Secretary Benhur Abalos ng P500,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magiging daan para mahuli ang mga suspek. Kris Jose