BEST swimmers kuminang sa Nat’l Age Group tilt

BEST swimmers kuminang sa Nat’l Age Group tilt

June 1, 2022 @ 1:21 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sumungkit pa ng 19 na medalya, kabilang ang 10 ginto ang Philippine BEST (Behrouz Elite Swimming Team) para tuldukan ang impresibong kampanya sa pagtatapos ng 2022 Philippine National Age Group Championship nitong Linggo sa bagong ayos na Olympic-size Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

Tinampukan nina National junior record holder Jasmine Mojdeh at Vietnam-based Filipino-Briton Heather White ang huling hirit ng BEST tankers sa torneo na nagsisilbing tryouts para sa binubuong National junior at training pool sa nakamit na panalo na kani-kanilang dibisyon para tanghaling ‘most bemedaled swimmers’ tangan ang tig-pitong gintong medalya.   

Nadomina ni Mojdeh, 16, pambato ng Brent International School, ang huling event na nilahukan sa girls 16-18 class 200-m Fly sa tyempong 2:22.25. Naunang napagwagihan ng tinaguriang ‘Water Beast’ sa local swimming community ang mga event na 50-m Fly (29.62), 100-m Breast (1:18.33), 400-m Individual Medley (5:16.51), 50-m breast (35.67), 100-m fly (1:04.17) at 200-m Individual Medley (2:29.35).

Pinatunayan naman ng 15-anyos na si White, estudyante ng ABC International School Vietnam, ang angking kakayahan sa  pagwawagi sa14-15 girls 50-m Back (32.47) at 100-m Free (1:00.02) para dugtungan ang dominasyon sa 200-m Free (2:14), 50-m Fly (28.96), 200-m IM (2:30.33), 100-m Fly (1:05.62) at 50-m Free (27.49) sa torneo na nilahukan ng 551 swimmers mula sa iba’t ibang swimming club at organization na sanctioned ng Philippine Swimming Inc.

“Mataas ang morale ng mga bata. Sila-sila talagang nagche-cheer sa bawat laban ng teammates nila. Malaking tulong yung exposure nila sa mga tournament abroad, especially kay Jasmines at sa guidance ng kanilang coach Virgie na walang sinasayang na panahon para sa kanilang training,” pahayag ni BEST team manager Joan Mojdeh, patungkol sa pagsabak ng teenage swimming phenom na si Jasmine sa prestihiyosong Melun, France tournament kung saan nakapag-uwi siya ng isang ginto at isang silver medal.

Nakamit naman ni Peter Dean ng BEST Lucena ang ikatlong ginto sa 14-15 boys ng magwagi sa 50-m Back (20.95), Nauna niyang naisubi ang 200-m Back (2:21) ay 100-m Back (1:06) bukod sa silver medal sa 200-IM (2:23) at bronze sa 400-m IM (5:15.19).

Nag-ambag din si Yohan Cabana sa 200-m Back (2:16) ng boys 16-18 class. Nauna niyang nakuha ang gintong medalya sa 100-m back (1:02.67) at 200-m IM (2:19.29) nitong Biyernes, habang sumungkit ng panalo si Marcus De Kam sa 200-m Free sa tiyempong 1:59.51 at silver sa 50-m Fly (26.40) sa boys 16-18 class.

Humirit din sina Arriana Carandang sa 11-13 girls 50 Back (33.98), Ruben White sa 16-18 Boys 100 Freestyle( 52.72); Ashby Canlas sa 14-15 Boys 200 Breaststroke (2:35.44), Kristian Yugo Cabana 11-13 boys 200 Butterfly (2:34.75), Coby Rivilla 14-15 Boys 200 Butterfly (2:19.96), at Ivan Radovan 16-18 Boys 200 Butterfly 2:10.94

Nakopo naman nina Julian De Kam ang silver sa 800 Freestyle boys 14-15 (9:37.18); Alejandro Carandang 800 Freestyle sa boys 16-18 (9:22.26); John Neil Paderes  sa 19 over 50 Back (27.60); Marcus Johannes De Kam sa 16-18 Boys (54.12); Amina Mondonedo sa 14-15 girls 100 Freestyle (1:00.85); Hugh Antonio Parto sa 16-18 Boys 200 Fly (2:11.96) at  Jules Mirandilla 19 over boys 200-m Fly (2:14.52).

Nakasampa naman sa podium para sa bronze medal sina Geoffrey Liberato sa 19 over boys 200-m Breststroke (2:30.91) at Julia Ysabelle Basa sa 14-15 girls 200- Fly (2:41.78).

Sa kabuuan, napagwagihan ng Philippines BEST ang 30 ginto, 27 silver at siyam na bronze sa tatlong araw na kompetisyon.RICO NAVARRO