BF arestado sa sextortion

BF arestado sa sextortion

August 8, 2018 @ 2:18 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Kalaboso ang isang lalaki sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division matapos ireklamo ng sextortion ng kanyang karelasyon na Overseas Filipino Worker (OFW).

Ayon sa OFW, umuwi lamang ito sa Pilipinas mula sa UAE upang personal na magreklamo at magpasaklolo sa NBI  kaugnay sa pananakot ng suspek na si Dexter Caminos na ikakalat ang kanyang mga maseselang larawan.

Bunsod nito, nakipagkasundo ang biktima na makipagkita sa boyfriend sa isang restaurant sa Maynila upang ibigay ang napag-usapang halaga na P50,000 na hinihingi ni Caminos.

Bagama’t aminado ang suspek na nagpapadala ang girlfriend sa kanya ng pera ngunit itinanggi nitong bina-blackmail niya ito.

Sinabi rin ng biktima na malaking halaga na ang naipapadala niya kay Caminos dahil sa paulit-ulit nitong pagbabanta hanggang sa gusto nang kontrolin ng suspek ang kanyang sahod.

Sa takot, nagdesisyon itong mag-emergency leave at idinulog sa NBI ang kanyang problema.

Nakakulong ngayon sa NBI detention facility si Caminos na nahaharap sa patong-patong na kaso ng robbery extortion at paglabag sa Violence Against Women and Children Act at Video Voyeurism Act. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)