BF PARANAQUE GATES CLOSE- OPEN SA MOTORISTA 

BF PARANAQUE GATES CLOSE- OPEN SA MOTORISTA 

August 17, 2022 @ 6:12 PM 2 months ago


NAGKAKAROON ng kalituhan ngayon ang mga motoristang dumadaan sa limang gate ng BF Paranaque dahil sa kabila nang inilabas na kautusan ng Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) na buksan sa daloy ng sasakyang publiko, hinaharang pa rin sila ng mga security personnel ng BF Homes at mga residente para hanapan ng sticker.

Nalilito tuloy ang mga motoristang walang sticker ang sasakyan dahil hindi nila alam kung sino ang may kapangyarihan sa pagitan ng HSAC at BF Homeowners Association kaya nais nilang malinawan ang isyu.

Nauna nang naglabas ng kautusan ang HSAC na buksan ang limang gate ng subdivision kahit ang mga walang sticker na inisyu ng homeowners.

Masyado ng maraming sasakyan  na dahilan ng labis ang pagsisikip ng daloy ng trapiko kaya’t para lumuwag, iniutos ng HSAC na buksan ang naturang mga gate sa motorista.

Sa ulat ng mga motoristang walang sticker ang sasakyan, hinaharang pa rin sila ng security personnel, kasama ang ilang mga residente, sa mga pinabubuksan ng komisyon.

Nagpahayag ng pasasalamat noon pa man ang mga hindi naninirahan sa Paranaque at Las Pinas na dumadaan sa naturang mga gate dahil hindi na sila gagastos ng libong halaga ng sticker para lang makadaan sa lugar na bukod sa maluwag sa daloy ng trapiko ay short cut pa patungo sa kanilang destinasyon.

Mabuti pa nga raw ang Las Pinas na pinamumunuan ng mag-inang Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar dahil libre ang ipinamamahagi nilang sticker sa mga sasakyang tumatahak sa kanilang “friendship route”, hindi gaya ng napakamahal ng sticker ng BF Homeowners Association na napapaso taon-taon.

Nito lamang Agosto 1, 2022, naghain ng kanilang petisyon ang BF Homeowners Association sa Court of Appeals  para maglabas ng Temporary Restraining Order  na layuning maibasura ang kautusan ng HSAC at ibalik sa  dati na hindi lahat ay puwedeng dumaan sa naturang gates.

Hindi na kailangang hintayin ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez na magkaproblema pa  bago umaksiyon  para resolbahin ang isyu  na sana ay hangga’t wala pang kautusang inilalabas ang CA.

  Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.