BFAR: 3 coastal areas positibo sa toxic red tide

BFAR: 3 coastal areas positibo sa toxic red tide

July 25, 2022 @ 3:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa pagkain ng lahat ng uri ng shellfish at alamang mula sa tatlong coastal areas na nagpositibo sa toxic red tide.

Inihayag ng BFAR na ang mga shellfish na nakolekta mula sa coastal waters ng Dauis at Tagbiliran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, at Lianga Bay sa Surigao del Sur ay nagpositibo sa paralytic shellfish poison (PSP) na mas mataas sa regulatory limit at hindi ligtas na kainin.

Subalit, ligtas kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango basta sariwa ang mga ito, inalisan ng lamang-loob at hasang, at hinugasang mabuti bago kainin, base sa ahensya.

Samantala, iniulat ng BFAR na ang coastal waters ng Milagros sa Masbate at Litalit Bay sa Surigao del Norte ay clear na sa toxic red tide. RNT/SA