BFAR order na nagbabawal sa pagbebenta ng pampano, salamon, pinarerebyu ng Senado

BFAR order na nagbabawal sa pagbebenta ng pampano, salamon, pinarerebyu ng Senado

November 30, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng ilang senador ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na muling rebyuhin ang kautusan nitong ipagbawal ang pagbebenta ng imported na pompano at pink salmon sa wet market simula sa Disyembre 4.

Sa kanyang privilege speech nitong Martes, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na pawang anti-poor ang kautusan ng BFAR at nagpapakita ng diskriminasyon laban sa tinder ng isda sa wet markets.

Alinsunod sa BFAR Fisheries Administrative Order No. 195, ipinagbabawal sa tinder sa wet market ang pagtitinda ng imported fish products . Tanging institutional buyers tulad ng hotel, restoran at kompanya na may canning at processing industries ang puwedeng bumili.

Sinabi ni Tulfo na dapat ipatupad ang regulasyon at kampanya ng BFAR sa mga daungan sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC).

“Something smells fishy here. In the law, the exception from the need of a Certification of the Necessity to Import (CNI) only applies to canning or processing purposes, pero sa FAO 195 naisama na po ang [but FAO 195 includes] institutional buyers like hotels and restaurants being allowed to import without the need for the CNI,” aniya.

“Ang tanong, sino ang magaling na nagdagdag nito sa FAO 195. Ang mayayaman na restaurant at hotel nakalusot sa pag-import ng isda pero ang maliliit na tindera sa palengke hindi pwede at bakit. And more importantly, BFAR went beyond the provisions of the law,” giit pa ni Tulfo.

Kinuwestiyon din ni Tulfo kung bakit pinatutungkulan lamang dito ang imported na pompano at salmo pero mas maraming isda ang ibinebenta sa wet markets na inaangkat sa ibang bansa.

Ipinanawagan din ni Tulfo ang pagrerebyu sa komposisyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC).

“If they are the ones consulted regarding the importation of fish, why is there no representative from the fish market vendors and consumers? Fish vendors and consumers are affected by the issuance of these CNIs, why are they not consulted?” aniya.

Aniya, dapat ipatupad ng BFAR ang batas alinsunod sa intensiyon ng lehislatibo.

“Bawal ang dagdag-bawas sa mga rules and regulations ninyo. And if the problem is importation, fix the importation. Catch the smugglers. Huwag itong mga tindera sa mga palengke na naghahanapbuhay lamang,” giit niya.

Sa puntong ito, sinusugan naman ni Senadorn Grace Poe ang sentimyento ni Tulfo sa pagsasabing may diskriminasyon ang kautusan kaya hiniling nito sa Department of Agriculture (DA) na pagsabihan ang BFAR na rebisahin ang kautusan.

“Maaari po kayang kausapin ang DA, yung BFAR na ayusin ang department order na ito na ayusin o i-amend, i-revise o i-repeal, pwede yan. Hindi naman yan batas na kailangang dumaan sa atin,” giit ni Poe.

“I think we are calling the attention now of the BFAR officials to please look at your department order and revise it according to the proper way of the importation of salmon, pampano and other seafood products kasi hindi pwedeng yun lang sa dalawang ‘yun pero ang iba nag-iimport kayo pero pinapayagan ninyo sa wet market [because it can’t be that only those two are not allowed but other imports are allowed in wet markets],” dagdag niya.

Samantala, nanawagan naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na ihiwalay ang BFAR sa DA.

“Siguro one possible overhauling of the system pinagusapan namin ni Senator Risa [Hontiveros], our deputy minority leader, siguro yung BFAR ihiwalay na natin sa DA para maka-concentrate din tayo sa BFAR,” aniya.

“Maybe the proposal of Senator Hontiveros, if I may be allowed to announce it, is the Department of Oceans, Fisheries, and Aquatic Resources. So para naka-focus din po tayo sa kanila pagdating ng budget hearing, focus na tayo sa kanila ,” paliwanag ni Pimentel. Ernie Reyes