BFP: Mga pamilya, sanayin sa fire safety drills, procedures

BFP: Mga pamilya, sanayin sa fire safety drills, procedures

February 25, 2023 @ 2:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines-Ā  Muling iginiit ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mas maiging sanayin ang bawat miyembro ng pamilya ng fire safety drills and procedures upang maging ligtas sakaling magkaroon ng sunog.

Sinabi ni Supt. Gerald Venezuela, hepe ng BFP Regional Fire Safety Enforcement Division, sa Balitaan sa Tinapayan, mainam na malaman ng mga kasama sa bahay ang mga paraan para maiwasan ang sunog at mga gagawin sakaling may insidente.

Inihalimbawa ni Venezuela na dapat siguraduhing ang mga gamit sa bahay tulad ng electronic devices ay nasa maayos na saksakan habang ang LPG o mga gamit panluto ay dapat nakapatay kung hindi gagamitin.

Maging ang mga susi sa mga lock ng bintana, pinto, gate at mga padlocks ay dapat na nasa iisang lugar lamang at may mga nakalagay na label upang madaling makalabas sakaling may insidente ng sunog.

Sinabi pa ni Venezuela na mas mabuting iligtas ang sarili sa halip na mga gamit sa bahay at siguraduhin na may fire exit.

Nabatid kasi na sa datos ng BFP mula Enero hanggang sa kasalukuyan, nasa 431 ang naitala nilang insidente ng sunog.

Sa nasabing bilang, 223 ang structural na kinabibilangan ng buildings at bahay habang 185 ang non-structural.

Aniya, sa naitalang insidente ng sunog, 13 ang nasawi na pawang mga sibilyan at 59 ang nasugatan.

Ang naging pahayag ni Venezeula ay kaugnay na rin sa nalalapit na Fire Prevention Month sa darating na Marso. Jocelyn Tabangcura-Domenden