BFP-QC naglunsad ng one-stop-shop

BFP-QC naglunsad ng one-stop-shop

March 15, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilunsad ng Bureau of Fire and Protection (BFP) sa Quezon City ang Mobile Business One Stop Shop (MBOSS), isang programa na bahagi na rin sa Fire Prevention month ngayong buwan.

Mismong si Quezon City District Fire Marshal FSSUPT Aristotle Bañaga at si Chief FSES FCINSP Dominic Salvacion ang nanguna sa seremonya at ang naging panauhin pandangal ay si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Operation Atty. Juan Victor Llamas.

Ginanap kaninang umaga, Marso 15 ang pagtitipon sa 3rd floor ng SM North Annex at nakiisa naman ang Meralco at DOST.

Napag-alaman na ang MBOSS ay mananatili sa 3rd floor ng SM North Annex hanggang Marso 18 at magsisimulang magbukas alas-8 ng umaga at magsasara ng alas-8 ng gabi.

“Mapapadali ang mga residente sa pakikipagtransaksyon at pagkuha ng anumang mga fire permit na kanilang mga kailangan at agad din nila itong makukuha at hindi na kailangan na bumalik pa,” pahayag ni Bañaga.

Dumalo ang mga mag-aaral ng Philippine Science High School sa pagtitipon kung saan sila ay tinuruan sila ng Emergency Medical Services (EMS) ng BFP sa pagsasagawa ng mga first aid.

Nagkaroon din ng painting contest at mayroon ding exhibit na nasa lugar kung saan nakalagay ang MBOSS. Jan Sinocruz