BFP : TIPS NGAYONG FIRE PREVENTION MONTH

BFP : TIPS NGAYONG FIRE PREVENTION MONTH

February 28, 2023 @ 7:35 AM 4 weeks ago


KUNG pakikinggan at susundin lamang ng publiko ang mga panawagan at payo ng Bureau of Fire Protection, hindi lamang ang sunog ang maiiwasan kundi maging ang pagkalagas ng buhay ng mga nasusunugan.

Sa tuwing sasapit lang kasi ang buwan ng Marso na siyang “Fire Prevention Month” nagigising ang kamalayan ng mamamayan para sa mga wastong pamamaraan upang maiwasan ang sunog gayong dapat ay buong taon nila ito isinasaisip at ginagawa para na rin sa kanilang kaligtasan at ng kanilang mga mahal sa buhay kasama na ang kanilang mga kapitbahay.

Hindi naman kasi maikakaila na kahit hindi Fire Prevention Month, madalas na magkaroon ng sunog sa iba’t-ibang lungsod sa Metro Manila na nagiging dahilan nang pagkawala ng kabuhayan at ari-arian.

Nitong Biyernes, muling nanawagan si Supt. Gerard Venezuela, hepe ng BFP Regional Fire Safety Enforcement Division sa National Capital Region nang dumalo siya sa pulong-balitaan na ginanap sa Tinapayan Festival Bakeshoppe na nasa kanto ng Dapitan at Don Quijote Sts. Sa Sampaloc, Manila.

Ibinahagi ni Venezuela ang madalas na dahilan nang pagkakaroon ng casualty o nasawi sa ilang mga naganap na sunog sa iba’t-ibang lugar sa kapuluan, partikular sa Kamaynilaan.

Ayon kay Venezuela, isa sa mga dahilan nang pagkakaroon ng patay sa ilang mga nagaganap na sunog ay ang pagkakaroon ng bakal na bintana o paglalagay ng iron grills ng may-ari ng bahay.

Hindi naman masisisi ang mga nagnanais maglagay ng iron grills sa kanilang tirahan dahil isa rin itong mabisang paraan upang makaiwas sa mga kilabot na akyat-bahay na kawatan na handa ring pumatay kapag nabuko ng mga nakatira.

Pero sabi niya, dapat ay may pintuan o bukasan bilang fire escape ang inilalagay na iron grills at ipa-padlock na lamang upang hindi mabuksan ng kawatan na nais mangulimbat sa loob ng bahay. Kung may padlock aniya, dapat ay nakalagay ang susi nito sa malapit sa iron grills na hindi maaabot ng magnanakaw o kaya ay sa lalagyan ng susi na may kanya-kanyang label upang mabilis na matukoy at kaagad mabuksan sa panahon ng pangangailangan.

Pero sadyang hindi maiaalis na magkaroon nang pagkataranta o panic ang mga naninirahan kapag sumiklab ang sunog kaya’t posibleng hindi nila maalala kung ano ang dapat na gawin upang makaligtas kaya dapat ay regular o palagian nilang ginagawa ang fire drill o pamamaraan nang pagliligtas sa sarili at sa kanilang pamilya kung sakali at magkaroon ng sunog.

Mahalaga rin aniya na tandaan ng bawat residente ang fire safety tips na lagi nilang ipinagbibilin sa publiko tulad ng hindi pagsasagad sa perimeter wall ng mga itatayong bahay upang magkaroon ng sariling espasyo na gagamitin bilang fire exit.

Huwag bumili ng mga mahihinang kalidad na gamit ay kuryente tulad ng extension, kawad na gamit sa instilasyon ng kuryente, charger ng baterya ng cellular phone at iba pang mga electric devices na may mahinang kalidad.

Payo pa ng Safety Enforcement Division chief sa mga magcha-charge ng kanilang cellular phone, huwag gamitin ang charger overnight dahil baka nila ito makatulugan. Sa halip, ipinanukala ng opisyal na gumamit na lamang ng power bank kapag magcha-charge sa gabi at kung wala naman nito, ilagay ang cellular phone sa non-flammable na lugar dahil kapag lumobo ang baterya dahil na-over charge, posibleng lumikha ito ng apoy.

Bukod sa pagkakaloob ng safety tips at payo sa mga mamamayan, sinabi ni Venezuela na inihahanda na rin nila ang lahat ng miyembro ng BFP na maging rescuer bilang paghahanda sakaling dumating ang kinatatakutan na “The Big One”.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.