BI airport personnel walang leave sa Holy Week

BI airport personnel walang leave sa Holy Week

March 6, 2023 @ 3:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) na hindi muna papayagan ang leave partikular na sa mga airport personnel nito sa loob ng tatlong linggo, o sa panahon ng Semana Santa upang masiguro ang sapat na mga tauhan nito para sa mga dadagsang biyahero.

Ayon kay Commissioner Norman Tansingco nitong Lunes, Marso 6, bawal ang paghahain ng leave na tatapat mula Marso 24 hanggang Abril 15 sa lahat ng empleyado ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at lahat ng international airports sa bansa.

Dagdag pa niya, ang mga ihahaing vacation leave at authority to travel abroad ng sinumang empleyado ng BI ay hindi rin papayagan.

“We are constrained to implement this leave ban to make sure that our service to the traveling public are not interrupted or compromised during the Lenten break when there will surely be a sharp upsurge in the number of passengers who will enter and exit the country,” saad sa pahayag ng BI chief.

“We have to see to it that our immigration booths at the airports are fully manned in order to cope with the long queues of passengers who will be arriving from or leaving for abroad to spend time with their families and relatives,” pagpapatuloy ni Tansingco.

Sa ulat, matatandaan na dumagsa ang mga biyahero kasabay ng pagluluwag ng restriksyon kontra COVID-19 na ngayon ay nasa average na 30,000 pasahero araw-araw.

Ngayong taon, ang Semana Santa ay papatak mula Abril 2 hanggang 9. RNT/JGC