Manila, Philippines – Lumagda ng kasunduan sa pagitan ng Bureau of Immigration (BI) at nang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa pagkakaloob ng visa sa mga dayuhang misyonaryo.
Ginawa ang Memorandum of Agreement kasunod ng magkakasunod na pag-aresto at paghahain ng kaso laban sa mga dayuhang missionary workers.
Layon ng nilagdaang memorandum of agreement na mapalakas ang kooperasyon ng Simbahang Katoliko at BI sa pagbibigay ng assistance sa mga dayuhang misyonaryo na nasa Pilipinas.
Nilagdaan nina Archbishop Antonio Ledesma ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations at Deputy Immigration Commissioner Tobias Javier ang MOA sa harap ng rin ng ibat ibang mga isyu na nakakaapekto sa pag-iisyu ng missionary visa at visa extension na nagpahirap umano sa mga misyunaryo sa pagganap nila ng kanilang misyon sa bansa.
Ginawa ito noong July 2 na sinaksihan naman nina CBCP President Archbiship Romulo Valles at CBCP Vice President Bishop Pablo Virgilio David.
Kinilala ng parehong panig ang kontribusyon ng mga dayuhang Katolikong misyonaryo sa pagpapahusay ng moral at human development ng mamamayan partikular na ang mga mahihirap at mga kabataan.
Isa sa naging kontrobersya ang pagiging missionary sa bansa ni Sister Patricia Fox na ngayon ay nakabinbin pa ang kanyanh deportation case na inakusahang nakikilahok sa mga aktibidad sa bansa na may kinalaman sa pulitika. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)