BI balik-ops na sa Subic

BI balik-ops na sa Subic

July 8, 2021 @ 2:10 PM 1 year ago


Manila, Philippines – NAGBALIK operasyon ang Bureau of Immigration (BI) sa Subic Bay International Airport (SBIA) matapos na tumigil ng ilang taon ang international flights sa dating US Naval base.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang operasyon ng BI sa SBIA ay bumalik nitong Miyerkules kasabay ng paglapag ng Philippine Airlines sakay ng 300 na repatriated na Overseas Filipino Workers (OFW) hudyat ng kauna-unahang international passenger flight na dumating simula noong 2011.

Napag-alaman na ang kauna-unahang flight ng PAL sa Subic ay noong Lunes pero nag-divert ito sa Clark International Airport (CIA) dahil sa hindi magandang lagay ng panahon.

Binati naman ni Morente ang pagbabalik ng international flight sa Subic at naniniwala itong unti-unti nang bumabalik sa normal ang biyahe ng mga international flights bunsod na din sa Covid-19 pandemic.

Siniguro naman ni Morente sa PAL at iba pang airlines na lalapag sa Subic na handa ang BI na punan ang kanilang.

Ayon naman kay Atty. Carlos Capulong, BI Port Operations Division chief, na ang team ng immigration officers, immigration supervisors, at intelligence agents na nakadestino sa Clark airport ay nasabihan na nakahanda sila para sa kanilang deployment sa Subic kung may mga padating na biyahe.

Posible rin aniya na maglalagay ng permamenteng immigration personnel sa Subic kung mayroong madalas na international flights sa hinaharap.

“As of now, it is only PAL that has informed us of its intention to mount flights to Subic. We were told that this July there are four flights from Saudi Arabia that will be landing there,” ayon kay Capulong. JAY Reyes