BI buong pwersa vs ‘NAIA glitch’

BI buong pwersa vs ‘NAIA glitch’

January 3, 2023 @ 8:20 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na sapat ang kanilang mga tauhan na naka-deploy sa mga paliparan sa bansa dahil inaasahang tataas ang mga papasok at papalabas na pasahero sa mga susunod na araw matapos ang technical glitch sa NAIA noong Linggo na nakaapekto sa mahigit 60,000 pasahero.

“Following the cancellation of flights due to the technical issues experienced at the airports, we expect a huge number of arriving and departing passengers in the next few days,” ani BI Commissioner Norman Tansingco.

“This adds to the already high number of travelers due to the holidays,” dagdag ng opisyal.

Sinabi naman ni BI Port Operations Division Chief Atty. Carlos Capulong na habang inaasahan nila ang mahabang pila ng mga pasahero na dadaan sa mga immigration counter, ang mga opisyal ng BI ay mabilis na nakapagproseso ng kanilang mga dokumento.

“We have all hands on deck during this critical period,” ani Capulong. “We have likewise instructed airport terminal heads to ensure all counters are manned,” dagdag pa nito.

Hinikayat din ni Capulong ang mga Pilipino na gamitin ang mga electronic gate ng BI, na maaaring makabawas ng kanilang oras sa pagproseso hanggang sa 8 segundo bawat pasahero.

Nabatid sa BI na nakapagproseso sila ng kabuuang 12,304 arrivals noong Enero 1, kumpara sa 32,101 arrivals sa bisperas ng bagong taon. Sa kabilang banda, may kabuuang 19,010 departures naman ang naitala noong bagong taon, habang 24,405 ang naproseso noong Disyembre 31.

Ayon sa inilabas ng Department of Transportation, ipinagpatuloy ng NAIA ang partial operations sa alas-4 ng hapon, at ang normal na operasyon ay ipinagpatuloy ng alas-5:50 ng hapon kahapon.

Matatandaan na nitong Bagong Taon, humigit-kumulang 60,000 pasahero ang naapektuhan makaraang 361 na flight papunta at mula sa Maynila ay kinansela, naantala, o na-divert dahil sa mga aberya. JAY Reyes