BI-gamit ang bogus passport, 2 dayuhan arestado

BI-gamit ang bogus passport, 2 dayuhan arestado

July 10, 2018 @ 3:08 PM 4 years ago


Taguig City – Naharang ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang dayuhan na tangkang pumuslit patungong Canada.

Sa ulat na ipinarating kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI OIC Deputy Commissioner Marc Red Mariñas, nakilala ang mga naarestong dayuhan na sina Kabilan Kannathashan, 25, Sri Lankan, at Emmanuel Kyeremateng, 26, tubong Ghanaian.

Ayon kay Mariñas, gamit ng dalawang dayuhan ang mga bogus na pasaporte upang makalabas ng bansa patungong Canada.

“There can be no doubt that the trips of these two aliens were facilitated by the same international syndicate that has been attempting to use Manila as a jump-off point to smuggle illegal aliens,” ani Mariñas.

Dagdag pa ng opisyal na ang modus operandi ng mga sindikato ay bigyan ng mga bogus foreign passport ang kanilang mga biktima, dahil sa pag-asang makakaligtas sa pagsusuri ng immigration at payagang makabyahe sa Canada.

Nagbigay na ng direktiba si Morente na ilagay sa blacklist ang dalawang dayuhan upang hindi na makapasok pang muli sa Pilipinas.

Sinampahan din ang dalawang dayuhan ng paglabag sa Philippine Immigration Act dahil sa paggamit ng pekeng mga dokumento ng ahensya.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa BI detencion facility sa Taguig City ang dalawa habang hinihintay ang kanilang deportation proceedings. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)