BI nagbabala sa bagong modus online

BI nagbabala sa bagong modus online

May 20, 2022 @ 5:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa publiko hinggil sa lumalabas na bagong modus operandi sa online na ginagamit ang pangalan ng mga government officials.

Ibinahagi ni BI Commissioner Jaime Morente na maging ang kanyang pangalan ay ginamit ng scammer gayundin ang iba pang mga government officials upang makapag-solicit ng pera.

Ayon sa report, ang scammer, sa pamamagitan ng email ay magpapanggap na siya ang BI Chief at hihingi ng tulong upang makapagpadala ng pera sa mga nangangailangan na mga kaibigan.

Magpapangap ang scammer na nahihirapan itong magpadala ng pera at hihingi ng tulong sa kanyang bibiktimahin para siya ang magpapadala ng pera para sa kanya.

“This is a scam, attempting to use the name of government employees in their illegal activities,” ayon kay Morente.

“The public are warned against this new modus,” dagdag pa nito.

Giit ni Morente, kung sino man ang gumagawa nito ay agad nilang ipagbibigay alam sa cybercrime authorities upang maimbestigahan.  JAY Reyes