BI naglunsad ng sariling Tiktok account

BI naglunsad ng sariling Tiktok account

March 1, 2023 @ 7:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Upang labanan ang mga sindikato ng human trafficking sa pamamagitan ng social media, inilunsad ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang sariling Tiktok account.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nakatanggap sila ng mga impormasyon na hinihikayat ang mga kabataang professional sa pamamagitan ng Tiktok, Facebook, at iba pang messaging at social media applications na magtrabaho sa abroad bilang mga cryptocurrency scammers.

Nabatid na inaalok ang mga biktima ng 1000 USD na sweldo kada buwan upang magtrabaho sa mga call centers sa iba’t-ibang bansa sa Asya na ang kahahantungan ay ang maging online scammers.

“Kailangang nating humabol,” ayon kay Tansingco.

“These syndicates are using these new platforms in recruiting, hence we believe that we need to use the same channels to reach out to the younger audiences to remind them not to fall victim to these scams,” dagdag pa nito.

Ayon sa BI, target na ng mga recruiters sa ngayon ay ang mga young urban professionals.

Pinaalalahanan ni Tansingco ang mga OFW na naghahangad na makahanap ng trabaho na maghanap sa legal na pamamaraan sa pamamagitan ng tulong ng Department of Migrant Workers.

“Trafficking is a multi-faceted issue and must be addressed from its roots,” ayon kay Tansingco.

“Government agencies must intensify their campaign against trafficking, starting with a massive information campaign to warn victims,” dagdag pa nito.

Ang official account ng BI sa Tiktok ay @immigph.  JAY Reyes