BI Port Operations Division nilusaw

BI Port Operations Division nilusaw

February 8, 2023 @ 7:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na deactivated na ang kanilang Ports Operations Division (POD) bilang bahagi ng pagrereporma sa nasabing ahensiya at pag-decentralize ng kanilang mga operasyon.

Ayon sa Immigration, ang POD ang nagpapatakbo ng mga tanggapan ng BI sa mga daungan at paliparan.

“There is already order to deactivate the POD, which we believe is part of the defects of the immigration system right now,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“This is in response to controversies that we faced in the past months,” dagdag pa ni Remulla.

Matatandaan na ang POD ay nasangkot sa ilang mga scam kabilang ang tinatawag na “pastillas scam” na sangkot ang mga di-umano’y bayad sa mga opisyal ng BI ng mga papasok na dayuhan, na karamihan ay mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Overseas Gaming Operators.

Ang mga nakarolyong paper bill ay nakabalot sa papel na kahawig ng isang pastilyas. Matatandaan pa na si Marc Red Mariñas ay pinalitan ni Carlos Capulong bilang POD chief noong Abril 2021.

Nito lamang Pebrero 3 ay inanunsyo din ng BI ang isang malaking pagbabago sa pasilidad nito sa Taguig City kasunod ng mga ulat na pinahintulutan ang mga nakakulong na gumamit ng mga gadget kapalit ng pera.

Iginiit ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval na makakagamit lamang ng mga gadget, tulad ng mga mobile phone, ang nakadetine kung may pag-apruba mula kay Commissioner Norman Tansingco.

Tiniyak naman ni Remulla na magpapatuloy ang imbestigasyon kung sino ang dapat managot sa mga nasabing mga iligal na gawain.

“There is already an ongoing show-cause order for a case for infidelity in the custody of prisoners. We’re looking at all possible cases that may be filed,” ani Remulla.

Isang high-profile na kaso ang nagsasangkot ng diumano’y Japanese burglary ring leader na si Yuki “Luffy” Watanabe, na iniulat na nagdirekta ng mga operasyon mula sa kanyang BI detention cell gamit ang isang smartphone.

Sinabi ni Remulla na 24 na mobile phone at dalawang computer tablet ang nasamsam mula sa grupo ni Watanabe.

Nabatid na dalawa sa mga kasamahan ni Watanabe ang ipinatapon nitong Martes habang siya at ang iba pa niyang kababayan ay susunod sa Miyerkules. Jay Reyes